gapo

November 9th, 2005 by cristinagiba

isang linggo na rin yata mula nang mapabalita ang gang rape ng 6 na US servicemen sa isang Pilipina. paalis naman ako noon sa amin, sa gapo. nang marinig ko ang pakikipagtalo ng isang lider kababaihan ng gabriela sa isang amerikano, lalo akong nagalit. "she’s a prostitute. she’s a filipina."

noong bata ako, lagi akong sinasabihan ng lola ko na huwag magme-make up at huwag magsusuot nang "mahalay." galing pa naman daw akong olongapo, baka mapagkamalan akong hostess. noon ding mga panahong iyon, pagpapala pa ang pananatili ng mga amerikano dahil ang mga taga-gapo, may trabaho kapag nariyan sila. pero kung paano nila pagsamantalahan ang ating lakas-paggawa, ganoon din nila pagsamantalahan ang ating kababaihan.

nang araw ding iyon, nagtatalo pa kami ng nanay. sabi ko, napaka-walanghiya ng mga sundalong iyan! sabi naman ng nanay ko, di rin daw sila masisisi. bakit siya sumama? bakit siya mag-isa? nasa bar pa naman sila, mapagkakamalan talaga siyang prostitute. mapapaisip ka talaga, kung ganoon mag-isip kahit ang mismong mga babae, ano na lang ang sa mga lalaki? mas mababa pa marahil sa hayop ang tingin nila sa kababaihan kaya maaaring paglaruan na lang at itapon pag di na kailangan.

malaon naman, nagkasundo pa rin kami ng nanay ko sa argumento. at kapag pinag-usapan ang usapin ng kababaihan, hindi lamang kasarian ang dapat pagtalunan. bakit nga ba maraming hostess sa olongapo? at bakit kahit ngayong wala nang base militar sa pilipinas, may mga buhay pa ring lugar na parausan ng mga sundalo? bakit may mga dayuhang sundalo sa pilipinas? nasaan ang digmaan?

sa gapo, may isang kalsadang tinatawag na magsaysay drive. ito ang "red light district" dati noong panahon ng bases. ngayon, ang marami na dito’y mga tugtugang pang-kabataan (jamming ba tawag doon? manang kasi e,haha), dito din ginaganap ang oktoberfest/mardi gras. pero mayroon pa ring mangilan-ngilang mga night club, lalo na kapag may mga dumarating na barko para sa military exercises.

malaki na rin ang pinagbago ng lugar, mas friendly na ang magsaysay drive (ibig sabihin, hindi na ito palengke ng mga pilipinang ginagawang "parausan"). kahit ang gapo, malaki na rin ang ipinagbago (pero siyempre, di pa rin naman hiwalay sa krisis na dinaranas natin ngayon at sa mayorya ng mamamayan).

pero pangmulat ng mata ang naganap na insidente. ibig sabihin, kahit paulit-ulit pang sabihin sa atin ng lipunang "liberal na ang lipunang pilipino, nakukuha na ng mga babae ang gusto nila!" may katotohanan pa ring mayroon at mayroong nilalapastangan dahil siya’y babae, siya’y pilipino, at siya’y uring pinagsasamantalahan.

kaya magdalawang-isip muna, kapag sinabing malaya na ang kababaihan dahil may nagiging presidente nga ng pilipinas.

post na hindi post

November 6th, 2005 by cristinagiba

paunawa lamang po ito na ako ay alive and kicking pa naman. isang buwan na rin pala kasi mula nang huli akong mag-post dito sa blog. halos 60 porsyento kasi ng mga araw ng oktubre at maagang nobyembre ay laman ako ng provincial buses pauwi sa amin at sa mga karatig probinsya nito. ikukuwento ko na lang ang iba sa susunod. naipon kasi kaya di ko alam saan ako magsisimula.

see you soon (again) sa next blog entry. ciao!

BOYKOT NESTLE

October 9th, 2005 by cristinagiba
ni joi barrios

Ang kape sa iyong tasa,
Ang gatas sa iyong kape,
Ang tubig sa pagtimpla,
Ay gawa ng manggagawa
sa pabrika ng Nestle.

Ang cereal sa almusal
Ang sampalok sa sinigang
Ang noodles na pangminindal
Ay tinda ng kapitalista
Ng kumpanya ng Nestle.

Sa pagitan ng manggagawa
At kapitalista,
Nariyan ka, butihing mamimili, nariyan ka.
May piketlayn na tinatawid nang walang malay
Sa bawat produktong binabayaran.

Kaya’t sa paghigop ng sabaw,
Paanong matutunawan?
Sa bawat pagsubo at pagnguya
Paanong di tatablan ng pagkutya?
Patatamisin ba ang bawat sakit ng pulis-batuta
ng tsokolateng panghimagas?
Lulunukin ba natin ang bawat pandarahas?

Tandaan. Kahit ang Alpo Dry Dog Food
Para sa minamahal mong si Bantay
Ay may dugo ng lider-manggagawang pinaslang.
Ay may dugo ng lider-manggagawang pinaslang.

*salamat po kay mam joi. paumanhin din kung wala pa akong sariling post. makakapagsulat din ako. abangan. :)

anibersaryo

October 2nd, 2005 by cristinagiba

*pang-setyembre po talaga ang post na ito, nadelay lang dahil alam nyo na,walang pang-15 per hour internet sa labas.paralisado rin kasi ang dial-up sa opisina,walang telepono at sa kasamaang palad, hanggang ngayon…wala pa ring bahay.salamat sa paghihintay.

after all,this is all about history and anniversaries.we are asked to remember not to forget.

september 9, 2003. nagbabasa ako ng logbook ng anakbayan sa up noong isang araw. oo nga pala, dalawang taon na ang nakakaraan mula nang kumilos ang mga estudyante ng up sa senado vs senate bill 2587. batas ito na magbabago ng up charter. mariing tinutulan ng iba’t ibang sektor ng up community dahil papatindihin lamang nito ang komersyalisasyon ng edukasyon sa up.bagamat tinutunggali ang posisyon ng mga nananawagan ng pagbabasura nito (habang binabansagan kaming mga old-fashioned,dogmatic,prehistoric at iba pa),malinaw sa mga sumunod na panahong ang direksyon ng panukalang batas na ito — mas mababang budget, pagbebenta ng talino, mas matinding komersyalisasyon, at pagtalikod ng gobyerno ayon sa mga dikta ng globalisasyon.

sa junk sb 2587 campaign na ito ako unang nahuli, haha, sa mahabang panahon ko ng pagiging tibak. paano ako nakalaya? binungangaan ko iyong mga senate guards, naturete sila. pinalabas ako in a matter of minutes.hihihi.

marami pang eksena kaugnay ng mga pagkilos sa senate na ito. bugbugan portion, hulihan portion (na ang mga nahuli ay kumain pa ng chickenjoy habang nasa mobile…mga walanghiya! biro lang), at ang maraming debate sa loob at labas ng senado.

september 11, 2001.anniversary ng lfs.pero nang gabing iyon,inatake ang world trade center.ang atake na maglulunsad ng mas marami pang atake na magdudulot ng pinsala sa milyun-milyong mamamayan ng mundo.dapat daw kasing labanan ang terorismo, anang us. ngayon, tumatangis ang maraming bayan. ang mga terorista ba o kami ang inyong target? o baka, kayo nga ang mga terorista?

september 16, 1991. malungkot ang lola ko dahil mawawalan na raw ng trabaho ang mga taga-gapo. pero masaya rin siya kasi mababawasan na ang mga prostitutes at di na kami mababansagang malalandi kasi mga babae kaming taga-gapo. umalis ang base militar. naaalala ko pa iyong laksa-laksang nagrali papunta sa amin. walong taon lang ako noon. sabi lang ng mayor noon, umasa tayo sa sarili nating lakas blah blah. nag-promote sila ng volunteerism kasama pa ang marami na nilang slogans tulad ng "aim high olongapo!" at "boss:bawat oras sama-sama."

high school at lalo sa kolehiyo ko na maiintindihan bakit kailangan nilang umalis. at sa kabila rin ng maraming px goods na pinamimigay ng mga kamag-anak namin,pati na mga libreng bolpen at chocolate bars, there’s really no good sa ipinakilala nila sa aming american life.

september 21, 1972. di ko naabutan ang panahong ito. pero paminsan-minsan, maaalala kong ikinukwento sa akin ng nanay ko noong bata ako kung paanong pinagbisikleta sa buong luneta ang isang komentarista sa radyo dahil sa pahayag niyang "sa ikauunlad ng bayan, bisikleta (disiplina) ang kailangan." sa mas marami pang kwento ng henerasyong iyon, ang mas marami pang tala ng kawalang katarungan.

at alam kong ngayon, hindi ko na kailangang mag-back to the past para lang maramdaman kung paano nga bang maging kabataan sa panahon ng martial law.

september 22, 2005. kinabukasan lang, pagkatapos ng araw ng paggunita at pagkilos, pinatay si ka fort,magiting na lider-manggagawa ng nestle. dalawang beses akong nakatanggap ng text message, gabi ng araw ng araw na ito. nagsisisi ako kung bakit di ko siya nakilala nang personal. pero sumumpa ako mula noon, na di na kailanman magpupuslit ng pagkain ng anumang produkto ng dambuhalang multinasyunal na ito. isang buhay na naman ang kinitil.

at sa mga sumunod na araw, nasundan pa. tiyak, di tayo mauubusan ng mga parangal na dadaluhan, ng mga dadalawin sa ospital. di tayo mauubusan ng ititirik na kandila para sa mga martir ng sambayanan.

pero isang bagay din ang tiyak: di tayo makakalimot. at ang pag-aalala sa mga kinitil nating karapatan, ay may kaakibat na pagkilos at pag-aaklas. ngayong setyembre man o sa iba pang buwan ng ating buhay.

those pink fences again (and other sidewalk stories)

September 23rd, 2005 by cristinagiba

napansin ninyo ba ang pagsulpot noong nakaraang linggo ng mga tarpaulin ng papuri kay manny pacquiao na ang nagpaskil ay mmda? naisip ninyo na ba kung bakit sa dinami-dami ng maaaring pumuri at bumati nang pangmalakasan kay mannyn pacquiao, bakit mmda pa?

muling pansinin ang mga tarpaulin paglabas ninyo ng kalsada. tingnan ang mensahe: manny, isa kang bayani. manny pacquiao, kapuri-puri ka. –mmda. basahin ang subliminal message sa manny, isa kang bayani. ganoon na lang kabaho ang pangalan ni bayani fernando sa mmda na kailangan niyang magpabango kaya hayun, sinabayan ang pagkapanalo ni manny pacquiao. so kapuri-puri si bayani fernando? hay, pakinggan mo na lang ang mga mura ng mga drayber at pedestrian dahil sa pink fences at footbridges, pati na u-turn slots.

somewhere sa dailies, may nabasa akong isang text message na nanalo umano ng best text comment for the day. it says, "maganda ang mga billboards sa maynila, dahil nakakaaliw silang tingnan habang nagbibiyahe ka. maganda sa paningin blah blah blah." ah ate, tingnan mo uli ang edsa, kumusta naman ang visual pollution? we are actually filled with empty signs. pagkarami-raming ads at mensahe na nagsasabing "life is beautiful." pero beautiful nga ba? maliban pa sa puro ads, ads, ads. kaya kahit na walang pera ang mga tao, puno pa rin ang mall.ang malls na nga ngayon ang umano’y cultural centers ng pinas,di na ang mga museo,library o historic sites.

lalo ka pang magngingitngit kapag sinuri mo pang mas malalim ang laman ng mga ads. katarantaduhan, higit sa lahat, ang mga shampoo ads. matatanggap ka sa trabaho kapag maganda ang buhok mo. magiging successful ka kapag maganda ang buhok mo. maaappreciate ka ng mga lalaki kapag maganda ang buhok mo. masaya ang buhay kapag maganda ang buhok mo. huwag ka lang makuntento sa magandang buhok, mag-conditioner ka pa.

hindi lang nila pinupuri si manny pacquiao. at hindi lang buhok ang kinukundisyon nila, kundi utak ng mga tao.

brrrr…

September 15th, 2005 by cristinagiba

-ber month na, umuulan pa rin. kaya kanina, inasahan kong sa loob ng isang oras, nasa maynila na ako mula philcoa. 6pm, nasa lagusnilad na ako. ngunit mula sa lagusnilad, di na umusad (naks, rhyme iyon ah). alas-7 na nang nakababa ako ng jeep at naglakad na lang patungo sa aking pupuntahan. ang maynila talaga, forever na lang bumabaha.

at malay ko rin bang buong araw, tuluy-tuloy lang ang pag-ulan. hayun, nagpapahinga ang jacket ko sa taguan (uy, rhyme uli!).gayundin ang aking sapatos pang-tag-ulan.

sa emba at saanmang kalsada*

September 11th, 2005 by cristinagiba

*mong palatino, one of the famous (haha) bloggers of our sector is already mocking me for not posting my entry for this week/month. so heto na. im planning to transfer to another blog server (tama ba?),abangan na lang.(mong,help!)

"mas sayang kayo!" sigaw ko doon sa pulis nang sabihin niya sa aking sayang daw ang susunugin naming streamer na may nakalagay na "beware,terrorist on board" tungkol sa pag-alis ni gloria papunta ng un meeting (na kanina lang, ay napag-alaman nating minove pala ang flight niya).haha.baka sasama sa transport strike ang mga eroplano bukas (what if?!)

kinakantyawan nila kami habang nagsasagawa ng pagkilos para palayain iyong aming mga kasamahang hinuli sa action sa tungki ng ilong ng us embassy nang araw na iyon. habang naglalakad papuntang kitaan, iniisip ko talaga — ala-inosenteng sibilyang walang alam sa political economy ng pinas — bakit ba ganoon na lang kabigat ang security sa us embassy? noong bata pa akong tibak, laging sinasabi ng mga nakatatandang ito raw kasi ang totoong malacanang ng pinas. haha. at sa naranasan namin noong biyernes, totoo nga.

kawawang mga pulis, tatawa-tawa habang labas-pasok sa tainga nila ang mga chant na "pulis na pilipino,maglingkod ka sa bayan, wag sa dayuhan!" alam kaya talaga nila ang ibig sabihin noon? for sure, may mga basic lessons on nationalism ang mga iyan. love of country,sense of nationhood at iba pa.hus,kami rin naman tinuruan niyan sa eskwela noong bata.pwede rin nilang iwasiwas na mahal nila ang bayan, kaya sila nagpulis.pero ano nga ba ang pagka-makabayan? ano nga ba ang ibig sabihin ng serve and protect? o kaya ng pagpapanatili ng peace and order?

bago pa kami makarating ng kalaw, hinarang na kami sa welcome pa lang, ng mga pulis maynila din. no permit, no rally daw kasi sa maynila kaya di na sila nagpapalusot lalo na, nakita nilang naka-special use ang aming jeep.kapag ganoon,walang direksyon kung magpapaliwanag ka ng "karapatang magpahayag" o kaya ng "makatwirang pagkilos" at iba pa. lulusot lang sa tainga (at uniporme) nila iyon. sasabihin nila sa iyo,ipinatutupad lang nila ang batas.

hay, katwiran ng alagad ng batas ng butas.sabay sasabihin nila sa iyong "nakikiisa naman kami sa inyo." para noong nag-walkout ang mga estudyante ng pmi.halos tutukan kami sa mukha ng mga camera ng mga ex-o nila diyan. kaya paulit-ulit, sinasabi kong "sino ang sumisira ng reputasyon ninyo? ang mismong admin!" tama bang patakbuhing animo’y may martial law sa campus?ngayon, patatalsikin pa ang mga pangunahing lider-estudyante kahit makatwiran lamang nilang pag-angal sa no permit, no exam policy? kung ipinapatupad lamang nila ang batas, disinsana’y hindi sila magtataas ng matrikula nang lampas pa sa 15% itinakda ng ched.sino ngayon ang bumubutas ng batas? sino ang lumalabag sa peace and order? sino ang armadong humaharap sa mga raling ang bitbit lang ay placard (at ika nga ng neighborhood tibak, bitbit din ang paninindigan).

sa isang banda, kawawa din sila,iyong mga hindi makatindig dahil sa anila’y mga "sinumpaang tungkulin" o kaya’y mga limitasyon. dati,noong nagkaroon ng transport strike sa cubao,nagkataong asawa ng pulis iyong may-ari ng isang payphone na ginamit ko para magtawag ng mga taong sasama pa sa strike."hay naku,tama iyang ginagawa ninyo.pagsasabihan ko iyang asawa ko na huwag kayong sasaktan kung hindi,naku!" mahirap namang sabihing chika lang iyon.sino ba ang di apektado ng pagtaas ng langis,pamasahe,mga bilihin sa mamamayan?

pero higit kailanman, kung mayroon mang magpapasya, sila pa rin iyon.napakarami na ring kwento ng mga tumalikod sa dating buhay na pasibo at reaksyunaryo (pulis,militar,konserbatibong taong simbahan,adik,tomador,kriminal,istambay,mapagsamantala at patapong burges) para pumanig sa wastong panig ng kasaysayan at mamamayan.kaya hindi naman totoong wala silang pag-asa.pero marahil,matatagalan pa.makakailang duguang ulo at brasong sumasalag sa truncheon muna sila.ang dapat na lang siguro nating ipaabot sa kanila,itatakwil sila tiyak ng sistemang kumakandili sa kanila ngayon,ngunit huwag silang mag-alala: yayakapin silang mahigpit ng mga naghahangad ng pagbabagong di lang pansarili,at magaganap iyon…di lang sa emba,di lang saanmang kalsada.

panghuli na lang:classic at inspiring iyong istorya ng dalawang aktibistang nakasakay sa isang dyip.sinadya nilang magkwentuhan tungkol sa pagtataas ng sahod.nang tumahimik sila’y nagdeklara ng holdap ang mamang nakasabit na katabi nila. sabay sabing,"kayong dalawa, hindi kayo kasama!"

pwes manong, kayo kasama namin. ayan o,nariyan pa ang numero unong magnanakaw sa pilipinas ngayon sa malacanang.

*para kay kc ng cns pup, pasensya na hindi ko talaga nakita ang bakal sa kamay mo.haha. :)

fence s(h)itting

August 27th, 2005 by cristinagiba

"tatlong kilometro din ang qc circle."

iyon na lang ang nasabi ng isang driver ng up-philcoa sa dismaya niya sa pag-ikot pa sa circle kaysa mag-u-turn na lang sa dulo ng commonwealth avenue. katarantaduhan talaga ng mmda. akala ko ba nagtitipid ng enerhiya? ilang litrong langis kaya ang ginagastos sa pag-ikot pa sa qc circle?

at ang pink fences. booming na ang bakal business ni bayani fernando. pero ang underground economy ng mga naglalako sa kalsada, wala pa ring katiyakan. at kapag nalaman mo pa ang iba pang plano tulad ng pagtatayo ng mga ramp na pang-u-turn, uusok ka na lang sa galit.

gusto raw lumuwag ang sidewalk, lumuwag ang trapik at magmukhang siyudad ang metro manila na walang "eye sore" at disiplinado. pero dagdag pa nang dagdag ng pampasikip. iyon na lang pink fences, akala mo isang malaking kulungan na ng manok ang edsa. bawal ang tao dito. saan ninyo kami gustong dalhin?

at tuwing makikita mo kung paano ipinagtatabuyan ang mga manininda, itinatapon sa kalsada ang kanilang maliit na puhunan, at namamaril ang mmda kapag may lumaban, magtatanong ka kung nasa siyudad ka ba talaga. o nasa panahon ka ng barbarismo.

career

August 27th, 2005 by cristinagiba

pagod na pagod ako paggising kaninang umaga. nanaginip kasi ako na naroon ako sa aking pinagtapusang high school, iyong "eskwelahang non-sectarian na nakapangalan kay sto. nino, at kapag umulan, bumabaha ng lampas-tao dahil malapit sa ilog." cultural night daw para sa buwan daw ng wika (’sakto, august ngayon) at ako ay kauuwi lamang ala alumni na nag-"homecoming." naroon lahat ang kaklase ko, pero naroon din ang ilang mga kasama’t kaibigan sa kasalukuyan. magpeperform kami ng isang play.

may mga hindi pumapansin (nagtatampo yata dahil wala silang naririnig sa akin after all these years), may mga sumalubong din. nandoon ang valedictorian naming inaaway ko kung bakit hindi kami nagkita sa may ust sa araw ng isang mob. ang mga tibak sa eksena? ayun, command ng jeep na tagahakot ng gamit at may floor director din. ako? tagabitbit ng mga flag ng youth dare (ayaw akong lubayan ng mga prop na ito,haha!). ang isa din, pang-space filler sa program, nagsalita tungkol sa pangangailangang magbitiw ni gloria.

basta, to make the story short, sala-salabid ang istorya. paggising ko tumingin ako sa paligid. high school pa rin ba ako, o kolehiyo na? nakita ko ang sticker sa pintuan. patalsikin si gloria. hay, 2005 na pala (at nandito pa rin si gloria, grrr!). tinext ko iyong valedictorian ng batch namin at kinuwento ang panaginip. natawa siya, nagpaparamdam lang daw sila. saka ko na lang nalaman (as in ngayon lang) na ilan sa mga ka-batch namin ay nasa yugto na ng buhay pagpapamilya. may nangangarap nang magkaanak, may kapapanganak, mayroon na ring magbibinyag ng anak (wala pa naman yatang magpapaaral, hehe).

di na ako nagulat masyado, parang expected na iyon (pero bakit kapag nag-uupdate, ang pag-aasawa agad ang nauuna? hindi lang naman pagpapamilya ang pwede nating career hindi ba?). putting that slightly-evil-but-true question aside, ang malinaw sa akin ngayon, gumuguhit na ang landas na tinatahak ng mga ka-batch. may malapit nang maging propesyunal, nasa ibang bansa, mayroon ding nasa call center. kung minsan, mapag-uusapan namin ng nanay ko ang maraming "sana" kaugnay ng career, gayundin ang iba pang miyembro ng pamilya. siyempre ang kasunod na tanong noon, "magkano ang kinikita mo?" o kaya "makikita ka na ba namin sa tv pag naging reporter ka?"

sa ikalawang tanong, well, ilang beses na nila akong nakita sa tv. hindi nga lang ako ang nagbabalita kundi ako/kami ang laman ng balita. at sa nauna, oo may career ako, pero hindi kumikita nang malaki. ang katotohanan, walang kita dito. siguro kung sasabihin ko iyon nang harapan, maaaring papasok na ang sala-salabid pang mga tanong, tulad ng bakit, paano (ka?), saan (ka pupunta?).

sa batch namin, ako itong laging sinasabi ng isang kaklase na "the one who chose the road less travelled." pero dito sa kinalalagyan ko ngayon, marami kami. at patuloy na dumarami. kung tutuusin, hindi naman talaga ito ang "road less travelled." this should be the road travelled by.

pero dama ko iyong ibig sabihin niya noong mga taong tumutuntong sa 18 ang edad ng mga ka-batch namin, isa ako sa mga tampulan nila ng biro. maliban sa di naman ako nag-debut, hindi ko rin lang sinasagot ang tanong na "kumusta ka?" ng mga kuwentong personal. noon, sa gitna ng mga long gown, 18 roses at candles at birthday wishes, nagkukwento ako kung paano nagtalakay sa kapwa estudyante ng pagkaltas ng budget sa edukasyon, ng welga ng mga manggagawa sa SM, kung bakit kailangang kumilos sa oil depot sa Pandacan nang magtaas ang presyo ng langis, paano kinausap ang mga pulis na huwag idispers ang hanay pero di nakuntento’t binomba pa kami ng tubig sa US embassy, paano nakatulak ng Mendiola tagaktak man ang pawis at naghahabol ng hininga.

pero minsan, bago pa ako makapagsimula, sasabihin nila "tara na! ayan na naman ang mahahabang kwento ni giba!" pero alam nyo ba, marami pa sila…marami pa silang kwentong ni hindi pa natin narinig sa buong buhay natin. never in our high school years. mayroon pang tigib ng dugo tulad ng mga magsasaka sa hacienda luisita, sa mga pinapaslang na aktibista saan mang dako, at sa isang digmang puno ng mga buhay na kwento ng career sa gitna ng pakikibaka.

batchmates, see you na lang siguro sa anumang get-together sa hinaharap. pero tulad ng dati, di ko alam kung makakapunta ako. basta, update ko kayo. may malalaking pagkilos sa mga susunod na linggo. abangan nyo ko sa tv. aabangan ko rin kayo ulit, sa panaginip, at sa pagtatagpo natin kasama ng masang api.

clean and green

August 17th, 2005 by cristinagiba

asar na asar talaga ako sa polusyon ng maynila. kung mayroon mang dahilan para bumalik ako ng probinsya, ito na siguro iyon. haha.

lagi talagang sumasakit ang ulo ko kapag dumadaan ng espana at taft,halimbawa. walang palya iyon. naka-acquire na nga ako ng bagong skill e — mahusay na pagpigil ng hininga. sino ba naman ang may gustong mag-inhale ng carbon monoxide straight mula sa tambutso ng mga sasakyan?

gusto mong matuto nito? narito ang aking steps:

1.kapag humarurot ang mga sasakyan, inhale ng mababaw (hanggang trachea lang, hehe).

2.pagkatapos, pigil-hininga. patagalin hangga’t kaya.

3.kapag kinapos ng hininga, maglabas ng panyo, at huminga habang nakatakip ang bibig at ilong.

noong freshman ako, ipinakilala sa akin ng daigdig ang usok ng sigarilyo sa gitna ng interes kong magsulat. muntik na nga akong mag-back out sa pagsusulat ng diyaryo dahil ika ko, ayoko mamatay sa kanser sa baga.

pero kahit pala di ka nagyoyosi, at sikapin mong huminga ng malinis na hangin, talagang di ka makakaiwas. siyemps, di ko sinasabing wag nang pigilan ang mga nagyoyosi. maniwala kayo sa aming non-smokers: talagang masama iyan sa kalusugan. darating ang araw, baka magkaroon kayo ng mga anak na isa lang ang mata, o kaya may tenga sa noo dahil sa abnormalities sa ating mga cells dulot ng nicotine at tar (sounds like char).

ayon din sa mga reliable sources, di na natural smoke from tobacco leaves ang mga nasa yosi ngayon. kaya di ba sobra siyang nakakaadik (wag kayong mag-deny)? marami na iyang additives. sa gitna ng sangkaterbang 3-in-1 at mga instant mixes ngayon, asa pang gagastos sila sa maraming tabako kung mura na ang kemikal?

siyempre, kaya rin mura ang kemikal dahil kanila ang mga planta. at kanila na rin ang ating mga baga. kaya nga, magtataka ka pa ba kung bakit nawawala na lang na parang bula ang mga imbentor ng water-run engines? maraming naiimbento ang mga pinoy na pwedeng magsalba sa ating hangin, pero imbento rin nang imbento ang mga naghahari-harian para panatalihin tayong bumili ng kanilang langis, at ng kanilang mga produkto tulad ng yosi, tulad ng mga instant food sa styro at plastic.

nagkaroon nga ng unleaded gas, pakamahal-mahal naman. paano bibili nito ang mga karaniwang drayber na ni hindi pa nga naka-boundary at kulang pa ang pang-gasolina?

pinipilit tayong mag-adapt sa isang paligid na polluted samantalang napakaraming paraan para linisin ang kapaligiran. at di lang iyon magagawa sa pagtatanim ng puno lang. lahat naman ng nabanggit (imbensyon ng plastic at iba pa) ay pag-unlad din ng lipunan, pero ika nga, napaka-barbaro pa rin dahil pinapatay natin ang ating mga sarili kasabay ng pag-unlad dahil sa pagkasira ng kalikasan.

kapag dumating ang panahong pag-aari na ng pilipinas ang teknolohiya para sa pag-unlad, tiyak magkakaroon tayo ng team para maglinis ng hangin, tubig at lupa. ika ng isang nakatatanda, mala-mob daw ang maglilinis ng ilog pasig at manila bay, hindi lang mga pulitikong nagpapakuha ng litrato para sa sarili nilang magasin (isa pang dagdag-kalat!).

magtayo tayo ng maraming recycling plants at bigyang-priyoridad ang paggamit ng tubig o iba pang natural gas sa mga sasakyan. hindi na rin natin pagdudusahan ang sangkaterbang used buses at iba pang klase ng sasakyang surplues sa ibang bansa at itinatambak sa pilipinas. malay mo, umokey din sa atin ang pagbibisikleta forever (di na paaalisin ang mga padyak ng mmda!)

sa ngayon, pulutin na muna natin ang mga kalat sa paligid. maging mulat na maging masinop at malinis, dahil may kailangan tayong ipamanang bukas sa mga susunod na salinlahi. ikaa nga, mulat ang di makalat.

higit dito, dahil kailangan natin ng lakas at sama-samang pagkilos para makamit ang mga ito, maglinis tayo ng lipunan.