WAITING SHED
Kaninang umaga pagpunta ko ng UP, bumulaga sa akin ang mga waiting sheds (tulad ng sa kaliwa) na malinis na sa mga teasers o posters ng mga room-for-rent-
wanted-bedspacer-second-hand-laptop-for-sale-lost-wallet-computer-
repair-jag-and-lee-sale-free-concert-junk-tofi-sumama-sa-mobilization na ipinaskil ng mga estudyante at iba pang kasapi ng UP community. Ang masahol pa, pininturahan nila ang natatanging dalawang poste ng mga minimalist-designed na waiting shed ng Post No Bill.
Dati, literal na “malalaki” ang mga waiting sheds sa UP (tingnan ang dating waiting shed sa may AS o Palma Hall). May malalaking semento o kahoy na tabing na pinagdidikitan ng mga indibidwal, grupo o organisasyon ng mga anunsyo, panawagan, at iba pa. Sa kalagitnaan ng semestre, kahit ano ay maaaring ipaskil sa mga ito. Kapag eleksyon, hinahati-hati ang mga espasyo para sa mga campaign materials ng iba’t ibang partido.
Ngayon, halos ubos na ang ganitong klase ng waiting shed sa UP (iyon na lamang yatang nasa tapat ng Molave Residence Hall ang nag-iisang kongkretong waiting shed sa kampus). Pinalitan na ito ng mga bakal na waiting shed na may malaking pagkakahawig ang konsepto sa waiting shed ng MMDA. Minimalist ang disenyo, mas tipid umano dahil puro malalaking tubong bakal lamang ang gamit at bubong na gawa sa hard plastic. Hindi kailangan ng maraming semento.
Mula nang maging ganito ang mga waiting shed, malaking suliranin na sa mga organisasyon kung saan magpapaskil ng mga anunsyo ng kanilang mga aktibidad. Gayunman, dahil likas na maparaan, iniangkop na lamang ng mga tao ang porma ng kanilang mga anunsyo at panawagan sa mga waiting shed na ito – may nagsabit ng banderitas, may naglaylay ng mga balatengga. Samantala, marami pa rin ang nangahas na magdikit kahit sa mga pinakamakikipot na katawan ng mga bakal na ito.
Ngayon, sa ganap na pagbabawal ng administrasyong UP sa pagpapaskil sa mga waiting shed, animo’y karneng na-“double dead” na ang kalayaan sa pamamahayag ng mga estudyante, guro, kawani at iba pang kasapi ng komunidad ng UP. Kung baga sa pagsasalita, pinatahimik ka na nga…binusalan pa ang iyong bibig.
Ano ang problema sa Post No Bill sa mga waiting shed? Hindi lamang kasi waiting shed ang mga waiting shed. Habang naghihintay ng mga sasakyan ang mga pasahero, taga-UP man o pumasyal lamang, nagiging malaki ang kakarampot na espasyo sa mga waiting shed upang magpahayag, magbalita at magparamdam ng dapat iparamdam. Nagsisilbing itong midyum para malayang makipagtalastasan sa sinumang napapadaan sa mababang halaga. Pang-masa ika nga. Hindi lahat ng organisasyon ay kayang magbayad ng malaking halaga para magpaskil ng malalaking tarpaulin sa University Avenue, sa Vinzons o sa tapat ng Palma Hall o AS.
Higit sa lahat, puwang ito ng protesta. Natatanging pang-waiting shed ang mga poster na gawa sa kraft paper at latex na pintura. Makatawag-pansin sa kakaibang porma nito kumpara sa bond paper, sapul ang target nitong audience – ang estudyanteng hinoldap ng mataas na matrikula, ang gurong nagmumuni-muni sa pagkakahuli sa colleague niyang si Joma, ang kawaning pinagkakaitan ng COLA, ang manong magtataho o manang labandera na pinapalayas sa bahay niya para sa highway ni Gloria.
Utak-MMDA na rin ba ang UP administration? Sang-ayon ba ito sa konsepto ng urbanidad ni Bayani Fernando, malinis at gwapo? Bahagi ba ito ng paghahanda sa sentenaryo – ang paglilinis sa kapaligiran kahit na ang kapalit ay ang pagwalis sa tunay na kalagayan at pagbusal sa pakikipagtunggali sa loob ng Pamantasan at bayan?
Hindi maitutulak ng patakarang Post No Bill sa waiting sheds ang “kalinisan” sa mga ito, at sa buong kampus. Bagkus, magiging dahilan lamang ito ng higit na pagsisiwalat ng dumi sa pamantasan at kalaunan, sa lipunan. Bakit ka magmamalinis dito sa atin, kung saan binabakuran ang mga iskwater sa sarili nilang bayan? Kung saan ipinagtatabuyan ang mga maliliiit na kabuhayan ng mga namamaho sa kapangyarihan? Kung saan naghuhugas ng kamay ang mga pinunong may bahid ng dugo ang buong katawan? Kung saan pinipinturahan ng puti ang pader na binahiran ng pula?
Sa kabila ng lahat, hindi lang naman ang mga waiting shed ang puwang para magreklamo. Ang hamon sa atin: Isigaw ang protesta sa pader kung kinakailangan. Ika nga ni Jun Cruz Reyes, gawin ito…hanggang may makabasa, hanggang may lumaban. ###


September 6th, 2007 at 9:29 pm
me photo kaya ng lumang waiting shed sa UP tapos ikumpara natin sa bago ngayon?
September 23rd, 2007 at 10:16 pm
medyo maliit iyong nakuha ko…