estudyante blues (hindi na makahinga)
Sunday, June 10th, 2007Nakasalubong ko ang isang
batchmate sa AS walk. Nagbabalik-eskwela daw siya ngayong taon, habang
nagtatrabaho sa call center. Dahil kanina pa ako naglalakad nang mag-isa at walang
kausap, sa kanya ko na naisipang itanong ang kanina ko pa pinagtatakhan. ”Bakit
parang kaunti lamang ang nag-eenrol?” Kakatwa kasi ang maliit na bilang ng mga
tao sa mga lobby, kainan at lalo sa enlistment rooms. ”Di kaya nakuha na nila
agad ang mga subjects nila?”balik naman ng tanong niya sa akin. Pero huling
araw na ng regular registration, at wala pang taon na hindi siksikan ang
enrolment mula sa unang araw ng regular registration hanggang sa huling araw ng
late registration. Sa mga araw ngang ito dapat dumadagsa na ang mga tao.
Lalong napatibay ang hinala ko nang makausap ko ang administrative staff sa
isang kolehiyo. Aniya, sa kanilang mahigit 1,000 populasyon, 400 pa lang ang
nagpapakita at nag-eenrol. At di ko rin naman inaasahan, na akin din namang
ikinatuwa, na sinabi niyang ”parang private school na kasi ang UP.” Nahihirapan
nga daw siyang magsulat ng assessment of fees (iyong halagang babayaran ng
estudyante) dahil kung dati, P4,500 lang ang sinusulat niya para sa matrikula
ng 15 units, ngayon P15,000 na (mula P300 patungong 1,000 per unit para sa
freshman ang ginawang pagtataas).
Dahil dito, napatunayan kong kaunti talaga ang nag-eenrol, lalo na sa
freshman. Malaking bilang umano ng mga pumasa sa UPCAT pero hindi talaga
nag-enrol. Mayroong isang departamentong
walang nag-enrol na freshmen (basahin: ZERO). Isa na nga lang ang pumasa sa
kanila sa UPCAT (at marahil din kasi’y siya lang ang nag-exam, kung hindi man
ilan lang sila, dahil hindi naman ”profitable” ang kurso), hindi pa nag-enrol.
Mayroon namang dahil di nag-enrol ang mga pumasa, kaya ang tinanggap nila ay
yaong nasa waiting list.
Sa loob-loob ko, e di hindi lang mahirap sa mga magulang na magsulat,
mahirap din sa kanilang hanapin ang gayong halaga. Kahit para sa mga dating
mag-aaral na hindi umano ”apektado” ng pagtataas, nakakagigil ang pagtataas na
ito. Hindi lang isang beses na may nakausap akong estudyante sa high school na
nagsabing ”e di hindi na kami talaga makakapag-aral sa UP?”
Isang kahibangan ang pagtataas ng matrikula. At ayoko mang sabihin, hibang
din ang mga naniniwalang tama lang ang pagtataas ng matrikula. Nais nga nating
paunlarin ang UP, walang problema doon, pero para kanino? Paanong mananatili
ang UP bilang pamantasan ng bayan na nagbibigay ng edukasyon sa pinakamaraming
bilang ng karapat-dapat kahit kapos na mga mag-aaral, kung ang iniisip nito sa
mga nag-eenrol ay sino ang may bodyguard at malaking swimming pool sa kanilang
mansyon nang masingil nila nang malaki?
Tuloy naaalala ko si Kulot (salot?), nagsasalita siya noon sa AS lobby, at
sabi niya: ”Kaisa ninyo ako sa paglaban para sa mas mataas na budget.” nang
panahong iyon, kahit kailan ay hindi niya sinabing ”pero magtataas na muna tayo
ng matrikula kasi matagal pa iyon.”
Biglang tumunog ang cellphone ko (na maya-maya namamatay dahil may topak
na), pinsan ko ang nagtext. Puro numero, nakakahilo. Halaga raw ng tuition
niya. Sumagot ako, ”Tanungin mo kasi sa
eskwelahan ninyo kung mayroon ba kayong student loan o financial assistance.”
Agad din siyang nag-reply, wala raw talaga. Third year na siya sa kursong
Occupational Therapy sa isang pribadong eskwelahan sa Maynila. Araw-araw ko
siyang kinukulit tungkol doon, dahil hanggang ngayon ay wala pa rin siyang
pambayad ng P10,000 matrikula nila upon enrolment. Hindi rin nakaligtas (lalo
na) ang mga estudyante dito sa pagtataas ng matrikula. Mula P520 per unit,
naging P580 per unit sila. Sa 23 units, nasa P1,200 din ang idadagdag nila sa
kanilang budget. Dalawang linggo pang-pamasahe din iyon.
Napabuntunghininga na lang ako. Hindi ko na rin pwedeng sabihing mas mura
nang kaunti sa UP, kasi doon P300 per unit lang, kaya ang P32,000 niya isang
semestre, pwede nang pang-limang semestre sa UP. Ngayon, ang P20,000,
pang-isang upuan mo lang sa isang klase, gaya ng malaking bilang ng mga pribadong
eskwelahan sa Pilipinas.
Mapasiyudad o probinsya, ginto ang katumbas ng pagkakaroon ng edukasyon.
Dadagdagan pa nila iyon ng ”de-kalidad.” De-kalidad ba kamo? Ilang eskwelahan
ba ang dapat matagal nang nagsara dahil halos zero passing sila sa mga board
exams (at isisisi pa sa estudyante dahil bobo daw sila), kahit libu-libo na ang
ginastos makapag-enrol lang?
Nang sinabing edukasyon lamang ang yamang maipapamana ng mga magulang sa
kanilang mga anak, ibig sabihin ba noon ay sasairin muna nila ang lahat ng
yaman nila – mapa-lupa man iyan, pera o kalabaw – para matustusan ang
libu-libong hinihingi ng mga eskwelahan? Mabuti kung merong ipong pera, lupa at
kalabaw, paano kung wala, walang-wala?
Sabi nga ng tauhan sa Utos ng Hari, ni Jun Cruz Reyes: bakit ba nauso pa sa
mundo ang diploma? Pero higit dito, ang tanong: bakit binibili ang diploma?
Bakit mahal ang edukasyon? Bakit pribilehiyo lamang ito ng iilan?
Nasa atin ang sagot. ###