Archive for February, 2006

mula sa isang wowowee “fan”

Monday, February 6th, 2006

"Hindi nila nauunawaan ang pwersa ng pangarap, pananampalataya, at pag-asa ng mga maralita." - teo s. marasigan

"ma, nood kayo balita sa 7. may presscon ang fact finding team sa stampede sa ultra. pinapaikot-ikot nila ang media, di nila maituro kung sino talaga ang maysala sa trahedya!" text ko iyan sa nanay ko, kahapon ng umaga. ilang rin ang nakalipas, patuloy pa rin akong binabagabag ng nangyari sa ultra. personal, dahil sabihin mang cheapness, "wowowee fans" kami sa bahay. sisimulan naming i-on ang tv sa game k n b, at dire-diretso na ito hanggang sa kumanta si willie revillame ng "sa luzon, sa visayas, at sa mindanao…"

hindi naman kami sumasali sa mga contest. sa katunayan, sa buong duration ng mga naturang programa, lalo na ng wowowee, napakarami rin naming puna sa mga bagay na nakakainis talaga - iyong pagpapasayaw at pagpapakanta sa mga contestant kahit alam ng lahat - at ng contestant mismo - na mukha na silang tanga. iyong pag-abot ng mga TFC subscribers ng dolyar na iaanunsyong ibibigay umano sa mahihirap na kababayan (kapalit ng ilang minutong pagbati), at lalo na iyong mga babaeng itinataas ang buong binti para idisplay ang kanilang mga singit sa ikatutuwa ng live audience.

pero bakit pa kami nanonood? nagkakasundo kaming lahat sa iisang dahilan - gusto naming makita iyong mga contestant na kapana-panabik araw-araw — mga fishball vendor, katulong, probinsyano, magsasaka, basurero, bumbero, mga batang grade 1 hanggang grade 6, mga waiter, fast food crew, tindera sa palengke. nakikita natin sila araw-araw, pero iba iyong ika nga ni willie, "sila ang bida." dito, binibigyan pa sila ng pagkakataong magkwento ng buhay nila, bumati sa kamag-anak sa probinsya, at maglabas ng kanilang saloobin, higit sa lahat, isiwalat na kapos talaga sila sa pera at kabuhayan. kailangan pa nilang bayaran ang inutang nilang pamasahe para lang makarating ng studio mula sa malayong probinsya, kaya malaking tulong na ilang dolyar na iaambon sa kanila.

patok naman talaga kung iisipin mong mula sa mekanikal na buhay araw-araw ng pangangalkal ng basura, ng paglalaba at pagtitinda sa bangketa para mabuhay — haharap ka sa tv, makikita sa studio ang ilang mga artista, at may mas malaking premyo pa kaysa kinikita sa araw-araw. kaya mukha ngang masaya, kasi umuulan ng pera sa pakiwari nila at ng manonood. masaya, sumisigaw at tumatawa ang lahat. may manaka-nakang pagtulo ng luha ng mga contestant. ilang linggo matapos silang manalo, itatampok ang paano nabago ang buhay nila ng pagsali sa game show. "salamat sa abs-cbn, salamat sa tfc subscribers, salamat kay willie" ang tanging masasabi ng contestant. nakakaantig ng damdamin. tumatagos sa puso. may nagagawang pagtulong, may nababagong buhay.

kaya kung nanonood ka talaga ng wowowee, o kahit nahahagip lang ng mata mo sa tv, sino ba naman ang di magigitla noong sabado? libu-libong tao na umaasang giginhawa sa naturang programa, tulad ng napapanood mo araw-araw — yaong tulad din ng marami nang kwento ng pagpila na inaabot ng oras, araw at buwan…yaong inaasahan mong nakangiti sa camera, babati at maluluha…pagbungad mo sa telebisyon, patay na at nakahandusay doon sa ultra.

"bakit" lang ang naitanong sa akin ng nanay ko, na huling nagbukas ng tv kaysa amin na alas-10 pa lang, nakatutok na sa pangyayari. ang inaasahang masayang palabas, napalitan ng mga balita ng pag-usisa, mga kwento sa trahedya, at paghingi ng paumanhin at pagbibigay ng pakikiramay ng programa, ng mga organizer, at ni willie. umiiyak siyang humarap sa mga tao, na sumisigaw pa ng "tuloy! tuloy!" at "wowowee! wowowee!" na para ngang walang nangyari.

sa tindi ng kahirapan, at sa libu-libong taong naroon sa ultra nang araw na iyon, maaaring ang kamatayan ay tulad na lang ng isang bulungang pumasok sa isang tenga at lumabas sa kabila. tinuruan na tayong maging manhid ng lipunan, kahit mismo nating pagdurusa at pagpanaw araw-araw — tayo mang tagapanood lang o silang dumagsa sa ultra — maaaring hindi na natin nararamdaman.

pero ang katotohanan, kaya nga sila naroon ay dahil tumitibok pa ang kanilang mga puso. umiiyak, tumutulo ang pawis at luha. kahit sa gitna ng sinag ng camera, hindi maikukubli ang gatla sa kanilang noo at ang marurumi nilang paa. mga totoong tao silang nakikita natin araw-araw pero sa tv lang natin napansin at nakikita nga nang malapitan. mga buhay na tao silang naghahanap din ng idudugtong pa sa buhay kahit araw-araw, sila’y unti-unting pinapatay.

ngayong may naganap na trahedya, saka sumasampal sa atin ang katotohanang lubog sa kahirapan ang mamamayan. dahil nauunawaan nga raw nila ito, kaya todo-habol ang show at ang istasyon sa pagtulong umano sa mga biktima, sa mga pamilya, at sa panalangin na tayo’y magdamayan sa panahong ito ng pagsubok ika nila. tatlong araw na, tuwing gigising ako sa umaga, maririnig ko sa tv ng kapitbahay ang piano background ng mga pagpapakita nila ng mga naging contestant at audience ng wowowee na masaya, tumatawa, bumabati, lumuluha sa ligaya. tumatama pa rin sa puso, pero nakakakilabot na.

ipagpapatuloy pa ba nila ang wowowee? kapag nga naman wala na sila, sino ang tutulong sa mahihirap? pero kaya pa ba nilang ituloy ang programa gayong dahil sa kanila, mayroong kulang sa isandaang pamilyang tumatangis dahil naulila? hindi ba sila mananagot dahil ang nais lang nila’y tumulong? hindi ba’t ang katotohanan, silang nagsasalitang dumadamay at nagpapasaya, ay napansin ang mga mahirap na taong ito para gamitin sila sa kanilang programa, para sa ibayo ring kita? kapag may wowowee pa ulit na ipalabas matapos din ang lahat ng "serbisyo publiko" ngayon para sa mga biktima (na may mga special number pa ng awiting di mo malaman kung matutuwa ka o maiinsulto), hindi ko alam kung makikisabay pa rin ako sa panonood. baka tumulo lang ang luha ko.

kaysa lumuha, kaysa panoorin sila sa tv, tingnan natin ang mata ng kahirapan kung saan talaga sila naroon. hindi para bigyan sila ng biglang ginhawa, kundi wakasan na ang pagtungo nila sa landas ng kamatayan - kaharap ang mapanlinlang na kawanggawa - para sa magandang kinabukasang ang katotohanan, hindi nila sa game show makukuha.

Ratings, o Kahirapan at Pananagutan

Monday, February 6th, 2006
KRITIKA
Teo S. Marasigan
Ratings, o Kahirapan at Pananagutan 
Kahirapan ang madaling naging bukang-bibig sa pagpapaliwanag sa nangyari sa unang anibersaryo ng palabas na Wowowee nitong Pebrero 4. Dahil sa kahirapan, nagbaka-sakali ang libu-libo nating kababayan na sumali at manalo sa mga palaro ng nasabing programa – na nangakong magbibigay ng maraming papremyo sa pagdiriwang nito. Kailangan nga lamang pumila: Kaya dumating ang mga pinakamaaga tatlong araw bago ang programa. Marami ang nagbaon na ng pagkain, tubig at tulugan. Kahirapan, sa kahuli-hulihan, ang dahilan sa pagkamatay ng mahigit 70 at pinsala sa mahigit 250 pa.
Madaling maunawaan ang ganitong paliwanag. Dahil tuluy-tuloy na lumiliit ang kita ng karaniwang tao, dumadausdos din ang kalidad ng pagkain niya: Mula sa dating galunggong, gulay at sardinas hanggang sa instant na pansit kanton ng marami ngayon. Kilalang masayahing tao ang mga Pilipino, pero rumurok nitong huli ang bilang ng nagpapakamatay sa atin, habang lumalaganap ang mga daing at kawalan ng pag-asa. Habang walang ibinibigay na serbisyong panlipunan ang gobyerno, lalo nitong pinipiga ang buwis sa karaniwang tao. Walang mawawala sa kanya kung subukan ang tsamba.  
Pinakamalapit na maihahambing ang pagguho ng bundok ng basura sa Payatas noong 2000 na pumatay ng daan-daang maralitang nakatira doon. Sa pagsisikap mabuhay, namamatay ang mga Pilipino – sa masasaklap na pagpapamukha ng pagiging bulok ng gobyerno at mga naghaharing uri sa bansa. Pawang nagpapatotoo ang Payatas 2000 at Ultra 2006 sa sinabi ng isang pilosopo na "Ang mga krisis ay kinakatangian mismo ng katotohanang ang luma ay namamatay na at ang bago ay hindi pa maisilang: sa ganitong pagitan, maraming klase ng nakakarimarim na sintomas ang lumilitaw."
Nakakapagduda, gayunman, kapag nagkakaisa ang iba’t ibang grupo sa pagsasabing kahirapan ang sanhi ng trahedya. Totoo, pero hindi buong katotohanan. Hindi lamang kulang ang ganitong paliwanag. Sa pinakamasahol, pinagtitibay nito ang pagtingin ng mga naghaharing uri at pinapalaganap sa midya na ang maralita o ang tinatawag na "masa" ay magugulo – hindi sumusunod at bagkus ay lumalaban sa kaayusan. Sa ganitong paliwanag, abswelto na ang mga naghaharing uri na may responsibilidad sa nangyari. Lumilitaw na ang gusto lamang nila ay "magpasaya" sa mga kababayan natin.
Totoong-totoo, pero hindi buong katotohanan. Gustung-gusto ng mga kumpanya sa telebisyon na magpasaya sa ating mga kababayan dahil kaakibat nito ang kanilang kita o ganansya. Partikular sa palabas na ito, napili nilang taktika – para habulin ang kalabang nangunguna – ang pamimigay ng marami at malalaking papremyo sa mga kalahok at manonood. Dahil hindi nila kayang talunin sa pagpapatawa ang kalaban, hinahabol nila ito sa pagpapaulan ng pera. Sa likod ng mapagkawanggawang retorika, malinaw nilang pinag-iisa ang kaligayahan ng tao at ang pagkakaroon ng pera o yaman.
Nagtagumpay sila. Pero nanawagan sila ng kapangyarihang hindi nila kayang kontrolin. Noong hindi natuloy ang pangakong pamimigay ng tiket sa pagpasok at palaro noong 6:00 ng umaga, nainip ang tinatayang 50,000 kataong naghintay sa labas. Nagtipon sila sa harap ng pasukan at naggiit na makapasok. Pinapasok sila ng mga gwardya. Pagkatapos, inanunsyo na 17,000 katao lang ang makakapasok. Sa puntong ito naggiit at nagtulak ang mga nasa likod. Bumigay ang pasukan noong 6:45 ng umaga, kasabay ng malakas na patugtog ng musika. Sinasabing apat na patong ng bangkay ang naiwan.    
Kailangang balansehin ang kahirapan at pananagutan sa pagpapaliwanag sa naganap. Kahit sa ganitong kwento, malinaw na may mga hakbanging maaaring ginawa para ayusin ang hanay ng mga manonood pero hindi ginawa. Hindi naging sensitibo ang mga organisador sa kinahantungan ng pang-aakit nila sa mga maralitang nagtipon sa labas ng kanilang palabas. Ginatungan pa ito ng ininterbyung "sosyologo" ng parehong istasyon: Dahilan din daw ang "pagkamakasarili" ng mga maralita sa nangyari. Hindi nila nauunawaan ang pwersa ng pangarap, pananampalataya, at pag-asa ng mga maralita.
Sa isang siko-analitikal na yugto, sinabi pagkatapos ni Willie Revillame: "Sa inyo na ang ratings". Lumabas din ang totoo: Hindi nagagalit-naggigiit at naiipit-namamatay ang ratings.>>>
Sumulat sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com