awit sa hatinggabi

*kay leni valeriano po ito, ipopost ko lang.

i

ang pagtulog ay di paghimbing ng diwa,

ako’y sasalakayin ng ‘gunita

pagkat ang daop ng likod sa higaan

ay singit din lang kahit na kailangan.

ii

sapagkat kaydami ng ating tungkulin

isisingit ko ang ‘yong alaala.

at saan kita ngayon hahanapin,

sa puso ng welga o dibdib ng protesta?

iii

ngunit di isang tagu-taguan

tulad ng luklukang ‘yong pinupuntahan

sa senado ba o sa batasan,

ng butas na batas na di masandigan?

iv

hayaan mong hanapin kita ngayon

ang mundo’y tuloy sa ikot, rebolusyon

habang sa dulo ng mababaw na idlip

nananahan ang dugtong sa ating panaginip.

*para sa lahat ng manlalakbay, sa landas na iilan pa lamang ang pumiling tumahak.

Leave a Reply