family day
sunday is family day, ika nga. araw ng pahinga, family bonding, special events, simba kasama ang pamilya.
pero isang buwan na rin, ang kasama kong pamilya, mga di ko kadugo ni karugtong ng bituka.
di pa kasi ako umuuwi sa tito ko, kaisa-isa kong immediate relative na nandito sa maynila. may tampo na rin siguro iyon, dahil di rin ako nagtetext ng regular (kasi globe siya e,nakaunlimited ako…tingnan mo nga naman ang gimik ng mga kumpanyang iyan).
ano ang ginagawa ko? pang-family day din naman - laba, luto, linis. nga lang, dito sa tinawag nang bahay ng maraming tulad namin. bahay naman talaga siya - may bubong, dingding at pinto, ilang bintana. may tv at washing machine pa nga. pero dito, hindi ang blood relations ang dahilan kung bakit kami sama-sama kundi pulitika.
sa sahig, nakasalampak ang dalawang kasama. tumitira ng streamer. sa dingding, may nakasabit din habang ang bumibira, nakatuntong sa pinagpatung-patong na monoblock. sa kusina, maaamoy mo na ang nilulutong hapunan. sa katunayan, ako ang laging nag-aassert dito ng family day. noong isang linggo, halimbawa, nagluto ako ng spaghetti. noong isa pa, nag-chicken curry.
pero mas madalas, ang laman ng plato, sapat lang sa bawat isa. pag pinalad, karne. kapag medyo taghirap, maraming gulay (ang iba’t nahingi lang sa masa). kapag said, ilang itlog na scrambled para magkasya (kapag asensado, may cheese na kasama). pero kumakain ang lahat ng miyembro ng pamilya.
tulad ng normal na pamilya, nagtatalo rin minsan ang mga tao dito. minsan over dinner, o kaya bago matulog sa kwarto. pero madalas, sa regular na pulong o kaya sa pag-aaral. nagtatalo rin minsan sa kompyuter kapag maraming dapat ilabas na propaganda. pero saan nagkakasundo ang mga tao? pagpatak ng alas-8:30, nakapako na ang lahat ng mata sa encantadia.
kaya sino ang magsasabing ang pulitika, sumisira ng mga relasyon? e dito, ang pulitika ang nagbibigkis sa amin. kaya kahit puyat o pagod, nakakapagkwentuhan pa rin ang mga tao kapag uwian na sa bahay. ika nga ng isang dating kabahay, inihahanda lang naman kami dito sa bahay na walang dingding, pinto at bintana.
pero kahit kailan ka umuwi at tumuloy, may pamilyang tatanggap sa iyo.
dahil ang buhay mo, ay alay mo na sa kanila.