WAITING SHED

September 6th, 2007 by cristinagiba

New_waiting_shed

Kaninang umaga pagpunta ko ng UP, bumulaga sa akin ang mga waiting sheds (tulad ng sa kaliwa) na malinis na sa mga teasers o posters ng mga room-for-rent-
wanted-bedspacer-second-hand-laptop-for-sale-lost-wallet-computer-
repair-jag-and-lee-sale-free-concert-junk-tofi-sumama-sa-mobilization na ipinaskil ng mga estudyante at iba pang kasapi ng UP community. Ang masahol pa, pininturahan nila ang natatanging dalawang poste ng mga minimalist-designed na waiting shed ng Post No Bill.


Old_shed

Dati, literal na “malalaki” ang mga waiting sheds sa UP (tingnan ang dating waiting shed sa may AS o Palma Hall). May malalaking semento o kahoy na tabing na pinagdidikitan ng mga indibidwal, grupo o organisasyon ng mga anunsyo, panawagan, at iba pa. Sa kalagitnaan ng semestre, kahit ano ay maaaring ipaskil sa mga ito. Kapag eleksyon, hinahati-hati ang mga espasyo para sa mga campaign materials ng iba’t ibang partido.

Ngayon, halos ubos na ang ganitong klase ng waiting shed sa UP (iyon na lamang yatang nasa tapat ng Molave Residence Hall ang nag-iisang kongkretong waiting shed sa kampus). Pinalitan na ito ng mga bakal na waiting shed na may malaking pagkakahawig ang konsepto sa waiting shed ng MMDA. Minimalist ang disenyo, mas tipid umano dahil puro malalaking tubong bakal lamang ang gamit at bubong na gawa sa hard plastic. Hindi kailangan ng maraming semento.

Mula nang maging ganito ang mga waiting shed, malaking suliranin na sa mga organisasyon kung saan magpapaskil ng mga anunsyo ng kanilang mga aktibidad. Gayunman, dahil likas na maparaan, iniangkop na lamang ng mga tao ang porma ng kanilang mga anunsyo at panawagan sa mga waiting shed na ito – may nagsabit ng banderitas, may naglaylay ng mga balatengga. Samantala, marami pa rin ang nangahas na magdikit kahit sa mga pinakamakikipot na katawan ng mga bakal na ito.

Ngayon, sa ganap na pagbabawal ng administrasyong UP sa pagpapaskil sa mga waiting shed, animo’y karneng na-“double dead” na ang kalayaan sa pamamahayag ng mga estudyante, guro, kawani at iba pang kasapi ng komunidad ng UP. Kung baga sa pagsasalita, pinatahimik ka na nga…binusalan pa ang iyong bibig.

Ano ang problema sa Post No Bill sa mga waiting shed? Hindi lamang kasi waiting shed ang mga waiting shed. Habang naghihintay ng mga sasakyan ang mga pasahero, taga-UP man o pumasyal lamang, nagiging malaki ang kakarampot na espasyo sa mga waiting shed upang magpahayag, magbalita at magparamdam ng dapat iparamdam.  Nagsisilbing itong midyum para malayang makipagtalastasan sa sinumang napapadaan sa mababang halaga. Pang-masa ika nga. Hindi lahat ng organisasyon ay kayang magbayad ng malaking halaga para magpaskil ng malalaking tarpaulin sa University Avenue, sa Vinzons o sa tapat ng Palma Hall o AS.

Higit sa lahat, puwang ito ng protesta. Natatanging pang-waiting shed ang mga poster na gawa sa kraft paper at latex na pintura. Makatawag-pansin sa kakaibang porma nito kumpara sa bond paper, sapul ang target nitong audience – ang estudyanteng hinoldap ng mataas na matrikula, ang gurong nagmumuni-muni sa pagkakahuli sa colleague niyang si Joma, ang kawaning pinagkakaitan ng COLA, ang manong magtataho o manang labandera na pinapalayas sa bahay niya para sa highway ni Gloria.

Utak-MMDA na rin ba ang UP administration? Sang-ayon ba ito sa konsepto ng urbanidad ni Bayani Fernando, malinis at gwapo? Bahagi ba ito ng paghahanda sa sentenaryo – ang paglilinis sa kapaligiran kahit na ang kapalit ay ang pagwalis sa tunay na kalagayan at pagbusal sa pakikipagtunggali sa loob ng Pamantasan at bayan?

Hindi maitutulak ng patakarang Post No Bill sa waiting sheds ang “kalinisan” sa mga ito, at sa buong kampus. Bagkus, magiging dahilan lamang ito ng higit na pagsisiwalat ng dumi sa pamantasan at kalaunan, sa lipunan. Bakit ka magmamalinis dito sa atin, kung saan binabakuran ang mga iskwater sa sarili nilang bayan? Kung saan ipinagtatabuyan ang mga maliliiit na kabuhayan ng mga namamaho sa kapangyarihan? Kung saan naghuhugas ng kamay ang mga pinunong may bahid ng dugo ang buong katawan? Kung saan pinipinturahan ng puti ang pader na binahiran ng pula?

Sa kabila ng lahat, hindi lang naman ang mga waiting shed ang puwang para magreklamo. Ang hamon sa atin: Isigaw ang protesta sa pader kung kinakailangan. Ika nga ni Jun Cruz Reyes, gawin ito…hanggang may makabasa, hanggang may lumaban. ###

estudyante blues (hindi na makahinga)

June 10th, 2007 by cristinagiba

Nakasalubong ko ang isang
batchmate sa AS walk. Nagbabalik-eskwela daw siya ngayong taon, habang
nagtatrabaho sa call center.
Dahil kanina pa ako naglalakad nang mag-isa at walang
kausap, sa kanya ko na naisipang itanong ang kanina ko pa pinagtatakhan. ”Bakit
parang kaunti lamang ang nag-eenrol?” Kakatwa kasi ang maliit na bilang ng mga
tao sa mga lobby, kainan at lalo sa enlistment rooms. ”Di kaya nakuha na nila
agad ang mga subjects nila?”balik naman ng tanong niya sa akin. Pero huling
araw na ng regular registration, at wala pang taon na hindi siksikan ang
enrolment mula sa unang araw ng regular registration hanggang sa huling araw ng
late registration. Sa mga araw ngang ito dapat dumadagsa na ang mga tao.

Lalong napatibay ang hinala ko nang makausap ko ang administrative staff sa
isang kolehiyo. Aniya, sa kanilang mahigit 1,000 populasyon, 400 pa lang ang
nagpapakita at nag-eenrol. At di ko rin naman inaasahan, na akin din namang
ikinatuwa, na sinabi niyang ”parang private school na kasi ang UP.” Nahihirapan
nga daw siyang magsulat ng assessment of fees (iyong halagang babayaran ng
estudyante) dahil kung dati, P4,500 lang ang sinusulat niya para sa matrikula
ng 15 units, ngayon P15,000 na (mula P300 patungong 1,000 per unit para sa
freshman ang ginawang pagtataas).

Dahil dito, napatunayan kong kaunti talaga ang nag-eenrol, lalo na sa
freshman. Malaking bilang umano ng mga pumasa sa UPCAT pero hindi talaga
nag-enrol.
Mayroong isang departamentong
walang nag-enrol na freshmen (basahin: ZERO).
Isa na nga lang ang pumasa sa
kanila sa UPCAT (at marahil din kasi’y siya lang ang nag-exam, kung hindi man
ilan lang sila, dahil hindi naman ”profitable” ang kurso), hindi pa nag-enrol.
Mayroon namang dahil di nag-enrol ang mga pumasa, kaya ang tinanggap nila ay
yaong nasa waiting list.

Sa loob-loob ko, e di hindi lang mahirap sa mga magulang na magsulat,
mahirap din sa kanilang hanapin ang gayong halaga. Kahit para sa mga dating
mag-aaral na hindi umano ”apektado” ng pagtataas, nakakagigil ang pagtataas na
ito. Hindi lang isang beses na may nakausap akong estudyante sa high school na
nagsabing ”e di hindi na kami talaga makakapag-aral sa UP?”

Isang kahibangan ang pagtataas ng matrikula. At ayoko mang sabihin, hibang
din ang mga naniniwalang tama lang ang pagtataas ng matrikula. Nais nga nating
paunlarin ang UP, walang problema doon, pero para kanino? Paanong mananatili
ang UP bilang pamantasan ng bayan na nagbibigay ng edukasyon sa pinakamaraming
bilang ng karapat-dapat kahit kapos na mga mag-aaral, kung ang iniisip nito sa
mga nag-eenrol ay sino ang may bodyguard at malaking swimming pool sa kanilang
mansyon nang masingil nila nang malaki?

Tuloy naaalala ko si Kulot (salot?), nagsasalita siya noon sa AS lobby, at
sabi niya: ”Kaisa ninyo ako sa paglaban para sa mas mataas na budget.” nang
panahong iyon, kahit kailan ay hindi niya sinabing ”pero magtataas na muna tayo
ng matrikula kasi matagal pa iyon.”

Biglang tumunog ang cellphone ko (na maya-maya namamatay dahil may topak
na), pinsan ko ang nagtext. Puro numero, nakakahilo. Halaga raw ng tuition
niya.
Sumagot ako, ”Tanungin mo kasi sa
eskwelahan ninyo kung mayroon ba kayong student loan o financial assistance.”

Agad din siyang nag-reply, wala raw talaga. Third year na siya sa kursong
Occupational Therapy sa isang pribadong eskwelahan sa Maynila. Araw-araw ko
siyang kinukulit tungkol doon, dahil hanggang ngayon ay wala pa rin siyang
pambayad ng P10,000 matrikula nila upon enrolment. Hindi rin nakaligtas (lalo
na) ang mga estudyante dito sa pagtataas ng matrikula. Mula P520 per unit,
naging P580 per unit sila. Sa 23 units, nasa P1,200 din ang idadagdag nila sa
kanilang budget. Dalawang linggo pang-pamasahe din iyon.

Napabuntunghininga na lang ako. Hindi ko na rin pwedeng sabihing mas mura
nang kaunti sa UP, kasi doon P300 per unit lang, kaya ang P32,000 niya isang
semestre, pwede nang pang-limang semestre sa UP. Ngayon, ang P20,000,
pang-isang upuan mo lang sa isang klase, gaya ng malaking bilang ng mga pribadong
eskwelahan sa Pilipinas.

Mapasiyudad o probinsya, ginto ang katumbas ng pagkakaroon ng edukasyon.
Dadagdagan pa nila iyon ng ”de-kalidad.” De-kalidad ba kamo? Ilang eskwelahan
ba ang dapat matagal nang nagsara dahil halos zero passing sila sa mga board
exams (at isisisi pa sa estudyante dahil bobo daw sila), kahit libu-libo na ang
ginastos makapag-enrol lang?

Nang sinabing edukasyon lamang ang yamang maipapamana ng mga magulang sa
kanilang mga anak, ibig sabihin ba noon ay sasairin muna nila ang lahat ng
yaman nila – mapa-lupa man iyan, pera o kalabaw – para matustusan ang
libu-libong hinihingi ng mga eskwelahan? Mabuti kung merong ipong pera, lupa at
kalabaw, paano kung wala, walang-wala?

Sabi nga ng tauhan sa Utos ng Hari, ni Jun Cruz Reyes: bakit ba nauso pa sa
mundo ang diploma? Pero higit dito, ang tanong: bakit binibili ang diploma?
Bakit mahal ang edukasyon? Bakit pribilehiyo lamang ito ng iilan?

Nasa atin ang sagot. ###

PBB: Pinoy Big…Booboo?

May 18th, 2007 by cristinagiba

paumanhin, na habang nagaganap ang malawakang dayaan at karahasan sa eleksyon, nagawa kong mag-post ng isang artikulo tungkol sa  Big Brother. nakakapikon na kasi. nakakabobo. nakakaloko.

kung gusto naman ng Dos na pumatok pa ang PBB, mga isinukang pulitiko ng taumbayan ngayong eleksyon ang ipasok nila, kasama ang kanilang Big Ate at ang mga Ninong na utak ng pandaraya, at mga pamamaslang.

at sana, huwag na silang palabasin. kahit kailan.

Big Brother has a lot of explaining to do
By Jose Javier Reyes
Inquirer
Last updated 08:41pm (Mla time) 05/17/2007

Okay, that’s it.

Somebody really ought to tell off Kuya now. In behalf of those who still believe that ang telenobela ng tunay na buhay is more interesting than any of the prime time series that morph into an assortment of sub-genres—sinenobela, fantaserye, tele-iyakan, tele-whatever (which actually offer more of the same)— I hereby express my indignation.

Fascination

Ano ba naman ’yan, Kuya?

When the local franchise of “Big Brother” was launched last year, the fascination for peering into the most private moments of everyday people forced to live with each other became an interesting subject for social studies. We Pinoys make a big deal out of the stuff we are made of. Ours is a unique race with a tireless capacity to smile and make merry even on the eve of the apocalypse.

We also have as much of an appetite for overwrought and convoluted real-life drama as for entertainment. We are basically a non-confrontational people but, boy, do we love to watch highly emotional eksenas bordering on the hysterical.

The “PBB Celebrity Edition”" was a big coming-out party for Rustom Padilla. He was perceived as showing his strength by unfurling his vulnerability (“Kapatid … ang tapang niya!”).

At the same time, it presented a side of Keanna Reeves that made hypocrites realize that a woman should not be judged by her plunging neckline.

Objects of media curiosity and ridicule were suddenly … endearing.

Generally, we are in awe of individuals who exhibit unbridled courage because most of us don’t have the guts to do so even in our personal territories.

Then, there was the “Teen Edition” that uh, produced Kim Chiu and Gerald Anderson. That, more or less, said everything.

And then last weekend it happened.

Big challenge

Admittedly the big challenge was to make the Second Edition sound and look as interesting as the first. The element of surprise was gone, and the thousands who queued up for a chance to squeeze into Kuya’s house already knew what it was about.

Showing the world what the Pinoy was all about was not the principal motivation for the greater number of participants. Being a “housemate” simply meant media exposure.

Let that be so. After all, Sam and Gerald and Kim and Franzen and Jayson made careers in a few months, where it would normally take forever and a day for a truly talented Johnny Nobody. And let’s admit it: Rustom got a new lease on his show biz life with that coming out, and has now become the heir apparent to Manny Castañeda.

Is that wrong

So what’s wrong with wanting a shot at a show biz career by dressing in silly costumes or playing parlor games and showing the world what you look like first thing in the morning? Is the prospect of media infamy and fortune not worth indulging in no-holds-barred confessions of your innermost secrets—those you never dared tell even your family and friends? So you willingly divulge yours to the world, complete with tears and sappy musical scoring … so what?

Pagkakataon mo na ito, your one chance for the public to know the real you, the media you. What better way is there to be discovered by others while you are discovering yourself?

But the problem with the Second Edition was evident right from the start. Kuya wanted to bring in everybody. Not just anybody or any body but everyone who had a face and a body.

Whereas the premiere season had distinct and truly interesting characters like Uma, Say, Cass, Nene, Franzen, Jayson, Teacher Raquel and, of course, the biggest winner, Sam Milby … this current generation was plucked from a single phylum: dudes and dudettes.

The boys and girls are all young, healthy and gorgeous and would look good as co-hosts and/or guests on “Wowowee.” Oh, throw in a natural clown with a predilection for shedding gallons of tears with the least provocation, for variety and local color.

Boot camp

Otherwise, the show would seem like a boot camp for the “Philippines’ Next Top Model.”

But what was designed to be the selling point of the show turned out to be a glaring liability: They all look alike.

They can be distinguished only through their accents, for they speak several variations of spoken English.

Kuya must have realized this. That was probably why he brought in the housemates on installment basis. The first batch came clad in pajamas and handcuffs (that implied something kinky but turned out to be silly). The rest were ushered in wearing costumes. Others were hidden in secret nooks and crannies of the house … making some viewers wonder if this was the same set used in “Pan’s Labyrinth.”

For the sake of novelty, the housemates were endlessly being voted in or out of the premises. Just when you thought you have seen everyone, another boarder is brought in until the audience became as confused as the housemates themselves. Kuya, will you make up your mind? Ilan ba talaga ang titira diyan, ha?

Has that cute yellow house turned into Ang Hostel ni Kuya?

Kidnapped

One fine day, the dudes woke up to find one of them had been kidnapped. A few days later, they found a Slovenian in their midst. Now, that must have been very, very confusing for the residents. Why? Because the audience was very, very confused, too, figuring out what was happening.

Then of course there are the usual, yet highly necessary it seems, dramatic moments. But … uh …watching two women scream, whimper and bitch about a personal crisis founded on something so trivial and then conclude the argument with a threat involving a knife was far from entertaining. It was disturbing. Ano ba talaga ang pinag-aawayan ng dalawang ’yan, ha?

It was bad enough that one of the girls was thoroughly spooking the audience by insisting on talking to a doll. Now there was a potential serial killer in there? Teka, bago ’yan, ha?

One jaded viewer commented, “Hmp! All’s well that ends well rin ’yan. Magyayakapan rin ’yan … mag-iiyakan … and all will be forgiven with a group hug.” Another was disappointed: “Ay, walang saksakan?”

Then there was the whole issue of two housemates na nagka-developan, thus leading the hunk to literally bray like an injured bull when his babe was voted out one tragic Saturday night. Some suspected that the emotional abandonment had been brought about by jet lag from a trip to Slovenia.

And just when everybody thought the hunk would soon be over the painful separation (while the babe was busy waving to the crowds waiting outside the Bahay), a new twist was introduced. Now there is a possibility that the girl could walk back into the house if she is voted in by the audience.

“Hu-waaaaaaaat?” screamed a certified PBB Addict.“Akala ko ba napalayas na ’yan? Bakit babalik pa?!”

Subplot

E, kasi naman, ano? Think of the possibilities. Could this subplot of the separated lovers be developed further? Could this launch the Next Big Love Team? Would they end up in an episode of “Your Song”?

Seen that, overdone that. A better question is, what will the housemates think with this new rule that might be labeled Labas-Masok sa Bahay ni Kuya? Now they must be really, really confused. Well, we are … again.

Whereas “Big Brother” shows in other countries seem to pander to the audiences’ curiosity to catch a glimpse of, uh, inevitable earthiness, trust the Filipinos to concoct their own unique version.

No naughtiness

There is not an iota of naughtiness in the local version, thanks to the La Liga de Laguardia. The slightest suggestion of hanky-panky among the boys and girls and Kuya merits a memo from the MTRCB. Sige nga, Kuya! Dare!

PBB had taken the safest route so as not to give the impression that this is Prime Time Bosohan. In between dancing, performing challenges and making endless kuwentos and confessions, the housemates cook bananacue, prepare halo-halo at pampalamigs to raise P300,000 to rehabilitate an elementary school in the Visayas. Diyos ko naman, Kuya! That, I tell you, will entail a helluva lot of bananas and shaved ice.

So amid all this, why am I particularly bored with the second edition? Why do I feel that the challenges the housemates are made to perform may be as visually entertaining as a game of Tetris but somewhat juvenile and downright meaningless? Why am I simply not interested in the characters of this batch despite all their attempts, conscious or unconscious, to have effective camera presence?

Is it because I feel that Kuya no longer knows what to do with the dudes and dudettes that he has gathered? Is this why he is feeding the audience with episodes that are not only irritatingly repetitive but on the verge of being ridiculous? Is Kuya equally unexcited about this present lot of housemates that he cannot squeeze blood out of them to make them relate to the audience, except for that same-old-same-old hagulgulan in the confession room? Does Kuya also feel, like some of us, that some of the housemates are endlessly performing for the cameras, as if they were auditioning for the next big production of Star Cinema or for an episode of “Maalaala Mo Kaya”?

Who cares?

Why is it that, after more than 80 days inside the house, most of us still do not know these people, much less care about them, talk about them or even empathize with them despite their sad stories and endless bickering? Why isn’t there a single one of the housemates interesting enough to win our admiration for grace under pressure or even sanity despite cabin fever?

The answer is simple: We are not made to know them. We see them but we do not know them. This makes it so much harder for us to send text votes for them. Now we really miss the Umas, Jaysons, Keannas and Rustoms of the past editions.

Paki- explain nga, Kuya?

bright ideas

October 26th, 2006 by cristinagiba

Sabi ni Andrew Matthews sa kanyang librong “Being Happy” (binasa ko ito noong hayskul, apat na beses yata, nang cover to cover pa), pansinin daw nating mas nakakapag-isip tayo kapag nasa paglalakbay sa loob ng sasakyan o kaya nama’y nakaupo sa inidoro sa loob ng kubeta. Bakit? Kasi doon daw sa mga lugar na iyon tayo pinaka-nakakapagrelax.

Totoo iyon sa praktika. Tulad ngayong habang sinusulat ko ito. Kaninang nasa jeep ako, higit yata sa tatlong blog ang naiisip kong isulat nang buo ang outline pati ang nilalaman. Ngayon, ito na lang ang kaya kong isulat. Siguro nga dahil dito, pinipilit ko nang i-type lahat ng naisip ko kanina. May pressure, hindi na relaxed.

Pero ayokong makupot lang sa Freudian mode na siyang point of reference ni Matthews (na noong hayskul, pamantayan ko sa buhay: kung gusto mong magbago, maniwala ka at mangyayari iyon). Maaaring sa mga lugar na iyon, makapag-isip ka ng mga “bright ideas,” pero hindi iyon mabubuo kung nasa loob ka lang ng dyip. At lalong hindi naman pwedeng inidoro lang ang kausapin mo hindi ba?

Nang tumuntong na ako ng kolehiyo at matuto ng mas maraming bagay, napatunayan kong ang mga greatest ideas ay mula sa aktwal na paggawa ng mga bagay. Sabi nga ng isang matandang makata, ang pinakamahusay na guro ay ang praktika. Tulad halimbawa ng lahat ng nauna kong blog entries. Hindi lang naman ako nag-imbento o nagmuni-muni sa jeep kaya mayroon akong naisulat. Naisip ko silang isulat, pero mula na iyon sa pagpoproseso ko ng lahat ng aking nakita, narinig at naramdaman.

At siyempre, higit sa lahat, hindi iyon magagawa ng walang paninindigan tungkol sa anumang bagay na nakita, narinig at naramdaman. Hindi ko nga maintindihan kung bakit hanggang ngayon, bumebenta pa rin iyong neutral na posisyon. O kaya iyong pagiging apulitikal. Maaaring hindi sila magsalita, pero iyong mismo ay pagtutol hindi ba? Pagtutol magsalita. At iyong kanilang hindi pagsasalita, ay pagdagdag doon sa mga hindi tumututol.

Ang masama, iyong mga nagsasabing wala silang pakialam, sila pa iyong maraming sinasabi. Ang masahol pa, ano ba ang ginagawa nila? Maraming tulad nila sa isang website na mabentang-mabenta (hindi ko nga rin maintindihan kung bakit). Iyong may tagline pang “where bright minds meet.” Kaya lang naman nila nasasabing “bright minds” ang nagmi-meet doon, kasi bitbit nila iyong prestihiyo (umano) na nasa loob sila ng isang institusyong pang-matalino daw.

Pero kung pag-uusapan ang talino, ewan ko kung masasabi ngang talino iyong habambuhay nilang pagdedebate, pagsasagutan, pag-debunk o pagtutulungan para mag-debunk ng maraming bagay sa mundo. Marami yata sa mga tao doon, gustong ipagyabang sa daigdig na maalam sila sa lahat ng teorya sa daigdig. E kung sabi ng matandang makata, praktika ang pinakamahusay na guro, saan nila kinukuha iyong mga pinagsasabi nila? Dalawa lang ang pagpipilian, sa jeep o sa kubeta?

Tigilan na nila iyong pagsasabing wala sila pakialam o wala silang stand. Kasi meron naman. Ganoon na lang nila pulaan ang maraming bagay, lalo na ang aktibismo, pero hindi naman nila masabi kung bakit. Ang masahol pa, walang tatalo sa kanila sa pagbabansag ng kung anu-ano. Anu-ano na nga ba ang itinawag nila? Dogmatic, old-fashioned, hindi na angkop sa panahon. Minsan ultimo si Satanas idinadamay.

Sabihin ninyo iyan sa lolo ninyong lumaban sa Hapon, pag hindi kayo binatukan o hinabol ng gulok. Hindi ba nila magets bakit laging sinasabi ng matatandang “grabe ang panahon ngayon, kumpara noon”? Kasi mas lalong sumasahol ang mga bagay sa mundo! Tapos sasabihin nilang lipas na ang pakikibaka. Anong gagawin natin, mag-chat? Iyong mga manggagawa, magsesend na lang ng message sa YM, “d2 n b u fac2ry? wer n sahod me?” O kaya iyong magsasaka, magtetext na lang sa panginoong maylupa…ay wala palang cell site sa kanila.

Marahil hindi ko rin kayang i-debunk ang mga sinasampalataya nilang post-structuralism, post-modernism o kung anu-ano pang post- na as if mayroong pre- bago ang mga iyon (haha, namimilosopo lang po, baka may mag-lecture pa). Pero sino ang nagsabi sa aking tama ang anumang pinaninindigan ko ngayon? Iyong praktika! Iyong praktikang di daw nila kailanman gagawin. Iyong katotohanang tinatalikuran nila araw-araw dahil mas gusto nilang magdebate habangbuhay sa harap ng computer.

Akala mo iyong mga pinupulaan nila, hindi nila nginingitian sa corridor, hindi kinakausap sa klase (kahit chika lang), o kaya naman hindi itinuturing na tao. Kaya naman nilang humarap ng tao, pero hindi nila kayang makipagtunggali bilang tao. Ang hindi nila alam, accessory sila sa dahas na siyang tanging lenggwahe ng estado.

Hindi ba nila alam, na kaya rin naging iskolar ng bayan ang tawag sa kanilang mga iskolar ng bayan daw, kasi nakilala ang mga nauna sa kanila bilang scholarly. At higit doon, hindi naman sila nagdebate lang sa loob ng klasrum. Hindi lang naman din dahil ginagastos nila ang pondo ng taumbayan ang dahilan bakit tinawag silang iskolar ng bayan. Dahil inilapat nila iyong pagiging iskolar sa mga tao, sa bayan. Iyong bayang kinakalimutan nila kapag sinusuong na nila ang kanilang mga teorya. Akala mo naman masukal, e heto nga ang magdadala sa kanila sa greener pastures. Kasi ito ang pinaniniwalaan ng sistema!

Hindi ako tutol sa paggamit ng teknolohiya (e di sana wala akong blog), pero karamihan yata sa mga naroon (lalo na iyong mga nagdedebate) ay computer na lang ang alam na daigdig. Siguro, kasi doon nakakapagtago sila sa kung anu-anong nickname habang nanlilibak ng mga aktibista. Hindi kaya nila naisip (o hindi kaya sila nahihiya), na iyong mga nililibak nila, araw-araw na nakikipaghabulan kay kamatayan, sa mga tunay na demonyo? Nagpapakilala sila nang buo ang pangalan at pagkatao. Naisip na kaya nila kung bakit itong mga taong ito, kahit sa dyip nakikipag-usap sa mga katabing hindi nila kilala para magpaliwanag?

Kung gusto nila ng pagbabago, tigilan nila ang pagbabalbal lang sa mga ideya. Sayang iyang mga bright ideas nila (kuno) na iyong mga nag-iinternet lang (at kayang magbayad ng internet) ang nakakabasa. Doon natin ipagpatuloy ang debate. Araw-araw kasi, buhay ang tunggalian hindi lang ng mga ideya kundi ng mga tao – hindi lang para magdebate kundi para mabuhay bilang tao.

Kung ang gusto naman nila sa buhay ay magbalbal na lang, sige bahala sila. Malaya naman daw silang gawin iyon dahil malaya daw tayo ngayon. E di sige, magbalbal sila sa kubeta. Kausapin nila ang inidoro, baka makipag-usap sa kanila. Pareho naman silang mababaw ang tubig. O kung mataas man, barado kasi…

Divine Intervention

September 16th, 2006 by cristinagiba

Dalawang kwento ito tungkol sa mga Kristiyano, at sa mga di-katotohanan
(marahil) ng kanilang pagiging Kristiyano. Naikwento ko na ito sa ilang
kaibigan, pero isusulat ko uli nang maibahagi sa mas marami — hindi para
manghusga ng paniniwala, kundi para magtanong sa kung ano ba talaga ang
paniniwala sa tingin ng maraming taong tulad ng nasa mga susunod na kwento. At
tanungin pa, kung ang mga sumusunod na pangyayari, para sa kanila, ay tunay na
pagsasabuhay nga ng kanilang paniniwala.

 

Unang kwento: God
bless you…

Nangyari ito kamakailan lang, nang pumila ako isang tanghali sa isang
ATM ng isang bangko. Wala mang pera, nagbakasakali akong baka may kaunti pa
akong makukuha ang aking account. Naabutan ko ang dalawang babaeng nasa 30
hanggang 40 anyos, nagkukuwentuhan habang nagwiwithdraw ng pera.

Pumila na ako kasunod ng lalaking kasunod nila. Ang lalaking kasunod ko
na ang nasa harap ng ATM nang maalala nilang hindi pala sila nakakuha ng resibo.
Ang sabi ng isa sa dalawang babae, “kunin na lang natin mamaya,” sadya yatang
ipinarinig sa mga kasunod nila.

Pagkatapos ng lalaki, akmang aakyat na ako sa harap ng ATM nang unahan
ako ng dalawa, para nga umano kumuha ng resibo. Nagulat ako, dahil wala man
lang pasabi — walang lingon, walang pakiusap, walang pakialam sa humahaba nang
pila sa likod nila.

Di muna ako nagsalita, pero di ko maiwasang magmukhang naiinis dahil sa
inasal nila. Napalingon ang isa sa dalawang babae, eksaktong masama ang tingin
ko, at sinabing “galit ka yata miss?” Di na ako nakapagpigil. “Di man lang ho
kasi kayo magsabi, nagmamadali rin ho kasi ako.”

Inasahan kong hihingi sila ng paumanhin, o kaya naman ay maiksing
salitang “sandali lang…” pero ang sagot ng babae, “Kumuha lang kami ng resibo.
Alam mo kasi, this is a very little thing to be so particular about!”

Doon na ako nainis nang tuluyan. Sumagot
ako, “Sa inyo ho siguro, maliit kasi hindi kayo naperwisyo.

Sana man lang ho kasi magsabi kayo!”
Eksaktong tapos na silang kumuha ng resibo at sa pakikipagtalo nang humarap sa
akin ang ikalawang babae at sinabing, “O ayan Miss, tapos na…ikaw na, ikaw na!”
habang inilalahad ang kamay sa harap ng ATM.

At hindi pa nagkasya sa pang-aasar, bago umalis ay humirit pa…

“Sige Miss ikaw na ha. GOD BLESS YOU!”

Sila itong walang konsiderasyon, nasabi ko na lang sa sarili. Hindi ko
na nasabi, pero matapos ang insidente, paulit-ulit sa isip kong “Naniniwala rin
ako sa Diyos, pero huwag ninyong iwasiwas ang paniniwala ninyo sa Diyos para ilusot
ang kawalan ninyo ng konsiderasyon.”

 

Ikalawang kwento:
Talking ‘bout Jesus revolution

Mas luma ang pangyayaring ito sa nauna, pero mas tumama sa akin.

 Papasok ako ng eskwela, may 40 piso na lang sa bulsa. Dumaan muna ako sa
isang kainan para lamnan ang sikmura. Busog na ako sa 30 pesos na longsilog, di
na lugi. Itinabi ko ang 10 piso para sa pamasahe, may sobra pa kasi apat na
piso pa lang ang pamasahe noon.

Hinihintay ko ang aking order nang lumapit sa akin ang isang bata
lalaking nagtitinda ng sampagita. Dahil hindi ko naman kayang bumili ng
sampagita, naisip kong pasaluhin na lang siya sa pagkain. Humingi pa ako ng
isang ekstrang kanin, may limang piso pa naman ako pang-dyip (apat na piso pa
lang ang pamasahe noon).

Pinaupo ko ang bata sa tabi ko, at inilatag niya sa isang gilid ng mesa
ang tindang sampagita. Paghain ng longsilog, hinati ko ang longganisa, ang
itlog at ikinuha ang bata ng kutsara’t tinidor. “Hati na lang tayo ha? Iyan na
lang ang kasya sa pera ko e.” Tumango naman ang bata, medyo nangingimi dahil
masama ang tingin sa kanya ng mga tauhan ng kainan.

Nang matapos na kaming kumain, nagpasalamat na ang bata nang may halong
kiming ngiti. Pareho na kaming gumagayak paalis, nang may dumating na limang
estudyanteng babae. Nakakamiseta sila ng itim na may nakasulat sa harap na
“Jesus Revolution Now!”

Umorder sila ng pagkain na pang-take out, nang lapitan sila ng bata para
alukin ng sampagita. Inasahan kong tatanggihan lang nila ang bata nang
mahinahon at mapagkaibigan (sa madaling salita, chummy). Nagulat na lang ako
nang sabihan ng isa sa kanila ang bata, “bibili pa ako, e kumain ka na?”

Abala siguro sila sa rebolusyon ni Hesus tulad ng nakasulat sa kamiseta
nila.

mula sa isang wowowee “fan”

February 6th, 2006 by cristinagiba

"Hindi nila nauunawaan ang pwersa ng pangarap, pananampalataya, at pag-asa ng mga maralita." - teo s. marasigan

"ma, nood kayo balita sa 7. may presscon ang fact finding team sa stampede sa ultra. pinapaikot-ikot nila ang media, di nila maituro kung sino talaga ang maysala sa trahedya!" text ko iyan sa nanay ko, kahapon ng umaga. ilang rin ang nakalipas, patuloy pa rin akong binabagabag ng nangyari sa ultra. personal, dahil sabihin mang cheapness, "wowowee fans" kami sa bahay. sisimulan naming i-on ang tv sa game k n b, at dire-diretso na ito hanggang sa kumanta si willie revillame ng "sa luzon, sa visayas, at sa mindanao…"

hindi naman kami sumasali sa mga contest. sa katunayan, sa buong duration ng mga naturang programa, lalo na ng wowowee, napakarami rin naming puna sa mga bagay na nakakainis talaga - iyong pagpapasayaw at pagpapakanta sa mga contestant kahit alam ng lahat - at ng contestant mismo - na mukha na silang tanga. iyong pag-abot ng mga TFC subscribers ng dolyar na iaanunsyong ibibigay umano sa mahihirap na kababayan (kapalit ng ilang minutong pagbati), at lalo na iyong mga babaeng itinataas ang buong binti para idisplay ang kanilang mga singit sa ikatutuwa ng live audience.

pero bakit pa kami nanonood? nagkakasundo kaming lahat sa iisang dahilan - gusto naming makita iyong mga contestant na kapana-panabik araw-araw — mga fishball vendor, katulong, probinsyano, magsasaka, basurero, bumbero, mga batang grade 1 hanggang grade 6, mga waiter, fast food crew, tindera sa palengke. nakikita natin sila araw-araw, pero iba iyong ika nga ni willie, "sila ang bida." dito, binibigyan pa sila ng pagkakataong magkwento ng buhay nila, bumati sa kamag-anak sa probinsya, at maglabas ng kanilang saloobin, higit sa lahat, isiwalat na kapos talaga sila sa pera at kabuhayan. kailangan pa nilang bayaran ang inutang nilang pamasahe para lang makarating ng studio mula sa malayong probinsya, kaya malaking tulong na ilang dolyar na iaambon sa kanila.

patok naman talaga kung iisipin mong mula sa mekanikal na buhay araw-araw ng pangangalkal ng basura, ng paglalaba at pagtitinda sa bangketa para mabuhay — haharap ka sa tv, makikita sa studio ang ilang mga artista, at may mas malaking premyo pa kaysa kinikita sa araw-araw. kaya mukha ngang masaya, kasi umuulan ng pera sa pakiwari nila at ng manonood. masaya, sumisigaw at tumatawa ang lahat. may manaka-nakang pagtulo ng luha ng mga contestant. ilang linggo matapos silang manalo, itatampok ang paano nabago ang buhay nila ng pagsali sa game show. "salamat sa abs-cbn, salamat sa tfc subscribers, salamat kay willie" ang tanging masasabi ng contestant. nakakaantig ng damdamin. tumatagos sa puso. may nagagawang pagtulong, may nababagong buhay.

kaya kung nanonood ka talaga ng wowowee, o kahit nahahagip lang ng mata mo sa tv, sino ba naman ang di magigitla noong sabado? libu-libong tao na umaasang giginhawa sa naturang programa, tulad ng napapanood mo araw-araw — yaong tulad din ng marami nang kwento ng pagpila na inaabot ng oras, araw at buwan…yaong inaasahan mong nakangiti sa camera, babati at maluluha…pagbungad mo sa telebisyon, patay na at nakahandusay doon sa ultra.

"bakit" lang ang naitanong sa akin ng nanay ko, na huling nagbukas ng tv kaysa amin na alas-10 pa lang, nakatutok na sa pangyayari. ang inaasahang masayang palabas, napalitan ng mga balita ng pag-usisa, mga kwento sa trahedya, at paghingi ng paumanhin at pagbibigay ng pakikiramay ng programa, ng mga organizer, at ni willie. umiiyak siyang humarap sa mga tao, na sumisigaw pa ng "tuloy! tuloy!" at "wowowee! wowowee!" na para ngang walang nangyari.

sa tindi ng kahirapan, at sa libu-libong taong naroon sa ultra nang araw na iyon, maaaring ang kamatayan ay tulad na lang ng isang bulungang pumasok sa isang tenga at lumabas sa kabila. tinuruan na tayong maging manhid ng lipunan, kahit mismo nating pagdurusa at pagpanaw araw-araw — tayo mang tagapanood lang o silang dumagsa sa ultra — maaaring hindi na natin nararamdaman.

pero ang katotohanan, kaya nga sila naroon ay dahil tumitibok pa ang kanilang mga puso. umiiyak, tumutulo ang pawis at luha. kahit sa gitna ng sinag ng camera, hindi maikukubli ang gatla sa kanilang noo at ang marurumi nilang paa. mga totoong tao silang nakikita natin araw-araw pero sa tv lang natin napansin at nakikita nga nang malapitan. mga buhay na tao silang naghahanap din ng idudugtong pa sa buhay kahit araw-araw, sila’y unti-unting pinapatay.

ngayong may naganap na trahedya, saka sumasampal sa atin ang katotohanang lubog sa kahirapan ang mamamayan. dahil nauunawaan nga raw nila ito, kaya todo-habol ang show at ang istasyon sa pagtulong umano sa mga biktima, sa mga pamilya, at sa panalangin na tayo’y magdamayan sa panahong ito ng pagsubok ika nila. tatlong araw na, tuwing gigising ako sa umaga, maririnig ko sa tv ng kapitbahay ang piano background ng mga pagpapakita nila ng mga naging contestant at audience ng wowowee na masaya, tumatawa, bumabati, lumuluha sa ligaya. tumatama pa rin sa puso, pero nakakakilabot na.

ipagpapatuloy pa ba nila ang wowowee? kapag nga naman wala na sila, sino ang tutulong sa mahihirap? pero kaya pa ba nilang ituloy ang programa gayong dahil sa kanila, mayroong kulang sa isandaang pamilyang tumatangis dahil naulila? hindi ba sila mananagot dahil ang nais lang nila’y tumulong? hindi ba’t ang katotohanan, silang nagsasalitang dumadamay at nagpapasaya, ay napansin ang mga mahirap na taong ito para gamitin sila sa kanilang programa, para sa ibayo ring kita? kapag may wowowee pa ulit na ipalabas matapos din ang lahat ng "serbisyo publiko" ngayon para sa mga biktima (na may mga special number pa ng awiting di mo malaman kung matutuwa ka o maiinsulto), hindi ko alam kung makikisabay pa rin ako sa panonood. baka tumulo lang ang luha ko.

kaysa lumuha, kaysa panoorin sila sa tv, tingnan natin ang mata ng kahirapan kung saan talaga sila naroon. hindi para bigyan sila ng biglang ginhawa, kundi wakasan na ang pagtungo nila sa landas ng kamatayan - kaharap ang mapanlinlang na kawanggawa - para sa magandang kinabukasang ang katotohanan, hindi nila sa game show makukuha.

Ratings, o Kahirapan at Pananagutan

February 6th, 2006 by cristinagiba
KRITIKA
Teo S. Marasigan
Ratings, o Kahirapan at Pananagutan 
Kahirapan ang madaling naging bukang-bibig sa pagpapaliwanag sa nangyari sa unang anibersaryo ng palabas na Wowowee nitong Pebrero 4. Dahil sa kahirapan, nagbaka-sakali ang libu-libo nating kababayan na sumali at manalo sa mga palaro ng nasabing programa – na nangakong magbibigay ng maraming papremyo sa pagdiriwang nito. Kailangan nga lamang pumila: Kaya dumating ang mga pinakamaaga tatlong araw bago ang programa. Marami ang nagbaon na ng pagkain, tubig at tulugan. Kahirapan, sa kahuli-hulihan, ang dahilan sa pagkamatay ng mahigit 70 at pinsala sa mahigit 250 pa.
Madaling maunawaan ang ganitong paliwanag. Dahil tuluy-tuloy na lumiliit ang kita ng karaniwang tao, dumadausdos din ang kalidad ng pagkain niya: Mula sa dating galunggong, gulay at sardinas hanggang sa instant na pansit kanton ng marami ngayon. Kilalang masayahing tao ang mga Pilipino, pero rumurok nitong huli ang bilang ng nagpapakamatay sa atin, habang lumalaganap ang mga daing at kawalan ng pag-asa. Habang walang ibinibigay na serbisyong panlipunan ang gobyerno, lalo nitong pinipiga ang buwis sa karaniwang tao. Walang mawawala sa kanya kung subukan ang tsamba.  
Pinakamalapit na maihahambing ang pagguho ng bundok ng basura sa Payatas noong 2000 na pumatay ng daan-daang maralitang nakatira doon. Sa pagsisikap mabuhay, namamatay ang mga Pilipino – sa masasaklap na pagpapamukha ng pagiging bulok ng gobyerno at mga naghaharing uri sa bansa. Pawang nagpapatotoo ang Payatas 2000 at Ultra 2006 sa sinabi ng isang pilosopo na "Ang mga krisis ay kinakatangian mismo ng katotohanang ang luma ay namamatay na at ang bago ay hindi pa maisilang: sa ganitong pagitan, maraming klase ng nakakarimarim na sintomas ang lumilitaw."
Nakakapagduda, gayunman, kapag nagkakaisa ang iba’t ibang grupo sa pagsasabing kahirapan ang sanhi ng trahedya. Totoo, pero hindi buong katotohanan. Hindi lamang kulang ang ganitong paliwanag. Sa pinakamasahol, pinagtitibay nito ang pagtingin ng mga naghaharing uri at pinapalaganap sa midya na ang maralita o ang tinatawag na "masa" ay magugulo – hindi sumusunod at bagkus ay lumalaban sa kaayusan. Sa ganitong paliwanag, abswelto na ang mga naghaharing uri na may responsibilidad sa nangyari. Lumilitaw na ang gusto lamang nila ay "magpasaya" sa mga kababayan natin.
Totoong-totoo, pero hindi buong katotohanan. Gustung-gusto ng mga kumpanya sa telebisyon na magpasaya sa ating mga kababayan dahil kaakibat nito ang kanilang kita o ganansya. Partikular sa palabas na ito, napili nilang taktika – para habulin ang kalabang nangunguna – ang pamimigay ng marami at malalaking papremyo sa mga kalahok at manonood. Dahil hindi nila kayang talunin sa pagpapatawa ang kalaban, hinahabol nila ito sa pagpapaulan ng pera. Sa likod ng mapagkawanggawang retorika, malinaw nilang pinag-iisa ang kaligayahan ng tao at ang pagkakaroon ng pera o yaman.
Nagtagumpay sila. Pero nanawagan sila ng kapangyarihang hindi nila kayang kontrolin. Noong hindi natuloy ang pangakong pamimigay ng tiket sa pagpasok at palaro noong 6:00 ng umaga, nainip ang tinatayang 50,000 kataong naghintay sa labas. Nagtipon sila sa harap ng pasukan at naggiit na makapasok. Pinapasok sila ng mga gwardya. Pagkatapos, inanunsyo na 17,000 katao lang ang makakapasok. Sa puntong ito naggiit at nagtulak ang mga nasa likod. Bumigay ang pasukan noong 6:45 ng umaga, kasabay ng malakas na patugtog ng musika. Sinasabing apat na patong ng bangkay ang naiwan.    
Kailangang balansehin ang kahirapan at pananagutan sa pagpapaliwanag sa naganap. Kahit sa ganitong kwento, malinaw na may mga hakbanging maaaring ginawa para ayusin ang hanay ng mga manonood pero hindi ginawa. Hindi naging sensitibo ang mga organisador sa kinahantungan ng pang-aakit nila sa mga maralitang nagtipon sa labas ng kanilang palabas. Ginatungan pa ito ng ininterbyung "sosyologo" ng parehong istasyon: Dahilan din daw ang "pagkamakasarili" ng mga maralita sa nangyari. Hindi nila nauunawaan ang pwersa ng pangarap, pananampalataya, at pag-asa ng mga maralita.
Sa isang siko-analitikal na yugto, sinabi pagkatapos ni Willie Revillame: "Sa inyo na ang ratings". Lumabas din ang totoo: Hindi nagagalit-naggigiit at naiipit-namamatay ang ratings.>>>
Sumulat sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com

bagong taon

January 20th, 2006 by cristinagiba

supposed to be, first entry ko ito. pero matatapos na ang enero, kaya iiwanan ko na lang ang tanong na ito:

hanggang kailan ba ang new year? ang chinese community kasi, pumapatak pa minsan sa pebrero ang kanilang bagong taon. pero minsan naman, tumitigil ang pagbati ng new year (sa ating roman calendar - tama ba?), sa unang linggo pa lang ng enero.

anyway, happy new year. 2006 na pala.

gulay

January 20th, 2006 by cristinagiba

"kayo na naman?"

ang mga vendor iyon sa trabajo, nakita na naman kaming tatlong magkakabahay. isang gabi iyon muli ng adventure ng pagbagtas sa mga kalsadang kinalalagyan ng trabajo market, pagbitbit ng mga sako at plastic bag, at matapang na pangangalkal ng mga tumpok (o bundok, sa ilang pagkakataon) ng basura para maghanap ng gulay.

opo, namumulot kami ng gulay. pagpatak ng alas-7 ng gabi, magyayaan na kami ni marco at gly (at kalaunan, ni kiko) para pumunta ng trabajo market. bitbit ang kani-kaniyang plastic bag, kakalkalin namin ang mga bagong tapong gulay ng mga vendor para maghanap ng matino pang gulay.

at marami kaming nakikitang matino pa talaga, iba-iba: noong unang araw, upo lang at okra. kalaunan, nakakita na kami ng (maraming) patola, talong, patatas, carrot, sili, ampalaya at maging kamatis, mangga, dalanghita at saging na saba. karamihan ay mga may kaunting sira lang na dahil di na maitinda ay itinatapon na lang.ang ilan naman ay may kaunting sira, o kaya’y magulang na.

sa katunayan, hindi ko ito ngayon lang natutunan, sa maynila at sa panahong ito na napakataas ng presyo ng mga bilihin. nasa teenage years pa yata ako noon, na sa tuwing kasama ko si oya sa palengke, biglang yuyuko iyan para pumulot ng gulay na nahulog sa daan o itinapon na nga. dati, humahakot pa nga kami ng isang sako ring saging, na bigay naman ng kanyang suki dahil masisira lang kapag pinatagal pa hanggang kinabukasan.

kaya noong isang linggo, laking tipid namin sa araw-araw na paggugulay. may bigas na, at sahog na lang ang trobol (madalas sardinas naman). vegetarian kami sa loob ng isang linggo. wala namang nagkasakit dahil madumi o sira, dahil dumadaan sa ika nga nami’y "quality control" ang mga pulot na prutas at gulay. aba’y pag-uwi nga namin, huhugasan, sasabunin at huhugasan muna namin ng ilang beses bago ilagay ang mga pinulot sa aming opisyal na vegetable rack.

kapag namumulot kami, may mga nakakasabay kaming mga maralita ng komunidad. kaya nga noong kinakarir na namin ang pamumulot, na sunud-sunod na araw na kaming tambay ng trabajo, may mga vendors na hindi naniniwala sa aming kakainin namin ito pag-uwi. akala nila, ipapakain sa rabbit o baboy. tinitingnan nila kami mula ulo hanggang paa.

pero tulad din ng walang kahiya-hiyang pagsasabi na wala akong pera pang-internet, wala din kami minsan (o madalas?) kahit pangkain. kahit makita pa nilang maganda ang telepono kong bigay lang din.isipin natin, bago o nakakahiya pa ba na tayo’y walang makain? hindi ba 75 porsyento ng lipunan natin, nililinang ang lupa pero nagdidildil ng asin? hindi ba 15 porsyento naman ng populasyon natin, nagtatayo ng pagkatataas na building pero walang masilungan o kaya’y squatter sa sariling bayan? kailan ba ligtas ang mga tulad nating kahit nakapag-aral, ay walang kasiguruhan ang kinabukasan?

isang araw noong nakaraang linggo din, nagtext sa akin si roksi at sabi niya: "mami, ang hirap na
talaga. nandito ako sa bahay ngayon, wala na talaga akong makain." sa pinakajologs na pamamaraan, sinagot ko
siya:"kung wala ka nang makain,mamulot ka ng gulay sa philcoa. tulad ng
ginagawa namin sa trabajo."

at tulad ng ginagawa ng marami pa, na tiyak ay mas hikahos pa sa atin, para mabuhay lamang sa isang bayang mayaman sa likas na yaman…ngunit naghihirap at lalo pang naghihirap.

15 per hour

January 20th, 2006 by cristinagiba

ayon kay mong palatino (pangalawang beses ng pagmention ng kanyang pangalan sa blog na ito), isa lang daw ang mortal sin ng isang blogger: ang hindi mag-update. kaya siguro sa ngayon, nasa impiyerno na ako (oa naman yata iyon). kung kaya, nagpupuna ako sa sarili at humihingi ng tawad sa lahat (oa na nga ito).

maipapaliwanag ang kawalan ko ng entry noong nobyembre at disyembre. ilang araw nasa ibang lupain, kung saan mahal ang internet rental (dahil sa loob ng kanilang mga bahay, mayroon na sila). dahil din sila’y mga advanced capitalist countries o ACC (singapore at hong kong ba naman e), bawat bili mo ng kahit ano — kahit pulbos na sabong panlaba — kukuwentahin mo kung magkano ang katumbas sa piso.

buti na lang sa pilipinas, may mga 15 per hour na internet. pero tulad nga ng nasabi ko, isa lang naman ang mabigat-bigat na dahilan kung bakit di ako nakakapag-update, kahit isa sa mga new year’s resolution ko ito: wala akong pera. kahit 2006 na. kahit daw tumaas na ang piso dahil sa maraming dollar remittances sa pinas noong holidays (hindi baga sampal iyon ng imperyalismo sa bansa? kailangang marami muna ang dolyar ng pinas bago sabihing matatag ang ekonomya?).

kaya ngayon, laking pasalamat ko na lang at nagkaroon na rin ako kahit 20 pesos para mag-extend ng 15 minutes sa internet shop na ito sa maynila.

sa susunod, maghahanap ako ng 10 per hour.